Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tampok. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tampok. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Hunyo 14, 2012

(Rated PG) Pagsilip sa "Threesome" ni Mark Angeles




Laro sa tatlo ang Threesome, ikatlong self-published poetry book ni Mark Angeles. Maaaring sequel ito ng Patikim na koleksyon niya ng mga tulang isinalang ang usapin ng pag-ibig sa sari-saring kalan ng sentimentalismo, psychoanalysis, at Marxistang pananaw. Tatlu-tatlo. Koleksyon ito ng mga bagong tula niya sa Filipino, ng mga tula niya sa Ingles, at ng mga salin sa Filipino ng love poems ng mga banyagang makata. Bilang ekstensyon ng Patikim, nilaro niya ang wari ng mga mangingibig ngunit mas palaban na ngayon. At dahil marami na rin ang humihiling na ilathala na niya ang mga tula niya sa Ingles, isinama niya rito ang ilang piling tula. Ang ikatlong bahagi naman ay seksyon ng mga salin ng mga piling akda ng mga banyagang makata mulang Ingles. Isang proseso ang naging karanasan niya sa pagsasalin sa paghagilap ng mga tamang salita—ibinalita ito sa huling pahina ng aklat—lalo na’t ilan sa mga tulang napili ay mga salin din sa Ingles at may dalawa o higit pang bersyon (halimbawa, mga tula nina Pablo Neruda at C.V.Cavafy). Sa aklat na ito, may ilang ulit na nag-walkout, may paring hindi natiis ang kanyang libog, at may mangingibig mulang La Pobreza.

Martes, Disyembre 27, 2011

TAAS KAMAO!



TUGON KAY KUO MO-JO (9 Enero 1963)
-Mao Tsetung -- (Salin ni E. San Juan, Jr.)


Sa munting daigdig na ito
Ilang langaw ang walang pakundangang bumubunggo sa pader
Humihiging nang walang patid
Minsan ay nakapanghihilakbot
Minsan naman ay humihikbi.
Mga langgam na umaakyat sa puno ng balang ang naghahambog,
umaasta tulad ng isang makapangyarihang bansa
Ngunit madaling sabihin na ang mga salagubang ay nagsasabwatang
makayugyog sa mga ugat ng isang gahiganteng puno.
Sa Ch'angan, napigtal ang mga dahon at naipamudmod ng hanging kanluranin,
At ang mga palaso'y lumilipad, busog na nagpupumiglas.
Napakaraming gawain ang sumisigaw ng katuparan
At laging pinakakailangan;
Patuloy sa pag-inog ang mundo,
Ang panahon ang nag-uudyok.
Lubhang matagal ang sampung libong taon.
Sunggaban ang araw, sunggaban ang oras!
Sumisiklabo ang Apat na Dagat, mga ulap at tubig na nagngangalit,
Nayayanig ang Limang Kontinente, sigwa'y nag-aalimpuyo, umaatungal
ang kulog.

Durugin ang mga peste!
Ang lakas natin ay hindi mapipigilan.


--------
Mapagpalayang ika-118 na kaarawaan, dakilang guro, komunista, rebolusyonaryo, lider Mao Zedong!
Mapulang ika-43 na anibersaryo, TUNAY NA HUKBO NG BAYAN! (Disyembre 26)

Miyerkules, Nobyembre 30, 2011

Ang Mahigit sa Sansiglo ay Waring Walang Anuman

Galing ang larawan sa en.wikipilipinas.org


I
Ang mahigit sa sansiglo ay waring walang anuman.

Naririto pa rin
ang mga maharlikang nagnanais na maging alipin
na humiklas sa iyong hininga.
(Magugunitang matapos ang kanilang kataksilan
sa Bundok Buntis, Maragondon
ay pinilas-pilas nila ang "Katapusang Hibik ng Pilipinas"
at pinalitan ito ng Kasunduan ng Biak na Bato.)

Sila'y naririto pa rin, Bonifacio:
naghahari pa rin sa ating lupaing
nakasanla pa rin pati kaluluwa.


II
Sa Biak na Bato,
apatnaraang libong piso ang naging kabayaran
upang ideklara ni Aguinaldo
na bandera ng mga bandolero, bandido't ladron
ang watawat ng mga Anak ng Bayan
at kanyang saluduhan
ang bandila ng Espanya.
Tumalilis siya patungong Hong Kong
bitbit ang magkapatid na Paterno
at iba pang "kapatid ni Cain."

Subalit sinuyo sila ng Estados Unidos
na noo'y kaaway na mortal ng Espanya
at inalok ng tulong sa pakikidigma,
at sila'y bumalik sa Pilipinas
upang muling magtimon sa Himagsikang
ipinagbili nila pati dangal sa Biak na Bato.
Sa Kawit, kanila pang
ipinagsigawan ang "kasarinlan" ng Pilipinas
na nasa mapagkandili diumanong kamay
ng "Dakila't Makataong Bansang
Hilagang Amerikano."

Ngunit ang kasarinlang natamo
ay "tanikalang ginto" lamang pala
at doon sa mga larangan,
muling umalingawngaw ang mga putok ng baril.

Sa muling nagbangong Himagsikan,
dumanak ang dugo ni Luna --
sa kamay ng sariling mga kababayan,
mga tauhan ni Aguinaldo --
matapos ang kanyang pagsigaw ng:
"Mabuhay ang kasarinlan!
Kamatayan sa awtonomiya!"

Samantala,
sa hanay ng Rebolusyonaryong Pamahalaan,
ikinalat ang kamandag ng kabulaanan
laban kay Mabini.
At siya'y nagbitiw sa tungkulin.

Bonifacio, batid nating si Mabini
ay mortal na kalaban ng pananakop --
kagaya ni Luna.

Habang tinutugis palang parang daga
ng mga puwersa ni Funston si Aguinaldo,
naglalaro na sa kanyang isip
ang muling pakikipagsapakat
sa mga kaaway ng kasarinlang
dinilig ng dugo ng ating mga tunay na kapatid.
Matapos na madakip ni Funston,
agad na sumaludo si Aguinaldo
sa bandila ng Estados Unidos
at muli niyang dinurhan sa mukha
ang mga manghihimagsik na Anak ng Bayan --
kabilang na si Sakay,
na sa malao't madali'y ipagkakanulo sa bitayan
ng mga pumatid sa iyong paghinga.


III
At hindi matatapos doon
ang kanilang pang-aagaw ng tagumpay
at pagkakanulo sa pakikibaka.


IV
Sa Pambansang Asambleyang natayo,
nagputakang parang mga manok
ang mga Quezon at Roxas
at sila'y nag-unahang parang mga daga pa-Washington
gayong ang hangad lamang nila kapwa
ay kasarinlang gumagapang
at inaalalayan ng Amerika.

Bonifacio, ang mga kapatid din ni Aguinaldo
ang kumilala sa "karapatan" ng Hapon
na gapusin ang Pilipinas
at paulit-ulit na bayuhin ng puluhan ng baril
ang humpak na tiyan ng ating mga kapatid.

Sila rin ang yumakap nang buong higpit
sa "kasarinlang" nagbigay ng pagkakataon sa Amerika
na lamuning tuloy-tuloy ang ginto't bulaklak
ng lupaing Pilipinas --
kasarinlang "lukob ng dayong bandila,"
kung saan ang Pilipinas
ay patuloy na nakasanla pati kaluluwa.
At ito'y pagyakap na kasama pati mga hita't binti.


V
Sila ang unang pumalakpak
nang iladlad ni Marcos ang tabing ng karimlang marahas
at sa EDSA,
nang masunog sa poot ng taumbayan ang tabing,
mabilis pa sa kidlat
na hinablot nila ang watawat ng pakikitalad
na taumbayan ang siya namang talagang tumatangan
at walang kahihiyang sila ang nagwagayway nito.

Gayundin ang ginawa nila
nang sa pangalawang pagkakataon --
labing-apat na taon matapos mapalayas si Marcos --
ay maging tagpuan ng poot at pag-asa ang EDSA.
Kalaunan,
nalaglag kapwa ang mga maskara nina Estrada't Arroyo
at napatunayang iisa lang pala ang kanilang mga mukha.

Ginawa nila ang lahat nito
habang nagpupugay sa dayong bandilang
nakalukob pa rin sa ating watawat.


VI
Ganito ang ginawa nila, Bonifacio --
sapagkat ang tunay na hangad nila
ay hindi ang kalayaan, hindi ang dangal
kundi ang mga susi, ang mga susi
sa mga bastiyon ng kanilang pinapanginoong mga dayo.


VII
Huwag munang humimlay, Bonifacio
sapagkat ang "Katapusang Hibik ng Pilipinas"
ay hindi siyang naging katapusang hibik.
Hindi natatapos ang hibik ng Pilipinas,
hindi matatapos ang hibik ng Pilipinas
hanggang sa hindi nalalagot ng punlo
ang matandang tanikala
at hanggang sa hindi napaluluhod at napahahalik sa lupa
ang mga nagkanulo't patuloy na nagkakanulo
sa ating Himagsikan.


Pasasalamat na walang hanggan, Dr. Renato Constantino -- Ang May-akda

2007, Nobyembre 16
--Alexander Martin Carteciano Remollino--

Sabado, Nobyembre 19, 2011

Katulad Ka Nila sa Kabila ng Iyong Kaibhan

Galing ang larawan sa Arkibong Bayan.


Kay Ricardo Ramos, kapitan ng Brgy. Mapalacsiao sa Hacienda Luisita at presidente ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU), pinaslang noong Oktubre 25, 2005 habang ipinagdiriwang kasama ng ilang tanod-baranggay ang pagkakamit ng back wages ng mga kasapi ng nasabing unyon sa gitna ng welga ng mga manggagawang-bukid at manggagawa


Marami silang nauna sa iyo.

Mahigit sila sa sampu,
mga kapitan ng baranggay
na ipinatawag sa bahay
ng gobernador na naging oposisyunistang senador.
Sila'y pumasok sa bahay na iyon
at hindi na nakita kailanman.

Katulad ka nila
na nawala upang hindi na magbalik kailanman
sa panahong tulad ngayon
na hindi matahimik
ang mga manggagawa ng tubuha't ng gilingan
na binubuhay sa bingit ng kamatayan
ng mga panginoon ng lupang hindi nila lupa,
ng mga mamumuhunan ng salaping katas
ng lupang ninakaw.

Ang ipinagkaiba mo, Ka Ric,
ay ito:
kahit paano,
alam naming pinasambulat ng dalawang punlo
ang iyong ulo
sa lupa ng sarili ninyong likod-bahay
at hindi ka pumasok sa bahay ng mga naiwan
ng gobernador na naging oposisyunistang senador
upang hindi na makita kailanman.

Sa kabila ng kaibhang ito
ay wala kang ipinagkaiba sa kanila.
Katulad ka nila
na kinitlan ng buhay sa Hacienda Luisita
habang nasa unahan
ng mga manggagawa't mamamayang
humihingi ng buhay.


--Alexander Martin Carteciano Remollino--
2005, Oktubre 28

Martes, Nobyembre 15, 2011

asyenda


hindi malilimot ng lupa
ng hangin, ng tubig
maging ng mga kuliglig
ang inyong mga tinig
hindi nila mapapaknit
sa gulanit na isip
ang kasawiang sinapit
ninyong uring anakpawis.
hanggang kayang alalahanin
hindi nila ipalilimot
sa pusong may budhi
mga nangyari
noong ika-16 ng Nobyembre...


--Noel Sales Barcelona--


Wala Kahit Sino sa Patay o Buhay

[Kabilang din ang tula sa mga ambag sa Panata sa Paglaya (Free Randy Echanis) chapbook.]


Kayo'y inaalalang mga kaluluwa
di lang ngayon kundi araw-araw
ng magulang, anak at asawa
na salit-salit sa mga ospital,
morge, kampo-militar o kulungan.
Pa'no kayo tiniwalag sa lipunan
ng mga bayarang halimaw
na sa inyo'y nagpapangatal?

Naging pipi ang hangin
sa de-aircong mall na manhid.
Naging bulag ang mamahalin
ngunit pundidong ilaw ng Meralco.
Naging bingi ang kalsadang
bayad na ng dayuhang pautang
sa mga yabag na paligid-ligid
bago ang pagdukot na kalkulado.

Subali't lilitaw din ang bakas
ng kinaroroonan ninyo
kahit pa maging animo'y undas
itong himlayan ng pangungulila.
Bawa't kandilang aming ititirik
ay tutuldok sa pagkasabik
na muling kakatok sa pinto
kayong matagal nang nawawala.


--Dennis Espada--
Lungsod ng Muntinlupa
Nobyembre 2007



lilitaw din ang bakas ng kinaroroonan nyo...


Todos Los Santos





Galing ang larawan sa blog ng May-akda:
http://panitikanatbp.wordpress.com/


huwag ninyong ipagdasal
naaagnas na bangkay

mga bungo't kalansay
nakalagak sa hukay.
ipagdasal ninyo'y
inyong mga sarili
pagkat kaluluwa'y tahimik
sa nitso'y walang damdam,
walang imik, walang pighati
subalit pag-igik ay maririnig
sa mundong ibabaw
na saklot ng lintik.


--Noel Sales Barcelona--