Sabado, Hulyo 28, 2012

13 Payo sa Pagsulat ng Kuwento As If Marunong Magkuwento ang Nagpapayo

Larawan: Hari Manawari, nobela ng may-akda ng sanaysay. (Artwork: Guhit ni Rai Cruz) 


1.Kuwento mo ito. Banggitin nang malakas. Kuwento mo ito. Pumikit. Banggitin nang mahina lamang. Kuwento mo ito. Pumikit na hindi lang mata ang nakapinid. Pati kamalayan. Iusal sa sarili: Kuwento ko ito. Kuwento ko ito. Hanggang sa maluha ka na sa realisasyong kuwento mo nga ito.

2. Huwag masyadong maarte sa pagpapahayag, katulad ng #1. Yung drama ay kailangang manggaling sa karakter, hindi sa awtor.

3. Yung # 2 ay kung drama ang kuwento. Pero kapag komedi, puwedeng manggaling ang pahayag sa awtor, na isinabibig ng kanyang karakter.

4. Magpatuloy kahit hindi ka sigurado sa iyong isinusulat. Makakatsamba rin kalaunan. Ala-suwerte-ala-hoy.

5. Magdesisyon kung susundin ang mga payong nabasa mula sa respetadong mga kuwentista. O lumarga nang lumarga na ang bitbit lang ay tiwala sa sarili at pangarap na maging mahusay na manunulat.

6. Tumigil na sa pagbasa nito kung nakapagdesisyon nang huwag makinig sa mga payo. (Pero teka, ang sinabi sa unahan ay “respetadong” kuwentista, so, tuloy tayo…)

7. Number 7 na at naalala ko bigla si Jawo. Suot ko pa naman kahapon yung t-shirt kong may Toyota sa harap at Jaworski, 7 sa likod. Never say die ang motto dapat ng manunulat. Teka, saan na ba tayo? Ayun, #7…Huwag linyar mag-isip.

8. Sa bahaging ito ay dapat na may iba ka nang pananaw tungkol sa pagkukuwento, o sa pagpapayo. Kung wala pa, bumalik sa # 1 at usalin: Kuwento ko ito (minus yung melodramatikong pag-recite).

9. Siyam daw ang buhay ng pusa. Nabibingit ka rin daw sa kapahamakan kapag may umepal na itim na pusa sa harapan. Mainam na matalas ang mata sa mga simbolo kapag nagkukuwento. Pero ibayong ingat dahil kultural ang simbolismo. Kung ang kuneho ay simbolo ng kautugan(read: kamanyakan) para sa mga Kano, sa Pinoy naman e (pasintabi) si George Estregan. O kung sa panahong ito, e si Mang Kanor.

10. Kung di mo kilala si Mang Kanor, kulang ka sa riserts o di ka masyadong tsismoso/a. Kung nais mong maging kuwentista, humanda ka nang maging risertser/mananaliksik, o tsismoso/a o manyak.

11.Siempre joke lang yung huli (“o manyak”). Yun nga pala, iwasan ang mga korning joke/s. Isang palpak na joke ay sira na ang kabuuan ng kuwento. Saka, bakit mo naman kailangang mag-joke? Desperate ka na ba talaga na komo hindi ka makapagkuwento nang maayos ay magjojoke ka na lang? Aba! Aba! Umayos ka! Seryosong art/sining/craft itong pagkukuwento (o pagsasalaysay)! Hoy! Nasan ka na? Mamaya mo na ireserts/isaliksik si Mang Kanor! Kung anoano inuuna e, iyan ang papatay/tetepok/dededo sa iyo!

12.Iwasan ang paggamit ng mga slash (/) at panaklong(parenthesis(?)). Tanda ito ng walang katiyakan o sobrang pagtitiyak. Saka, ang sakit kaya sa mata!

13. Labintatlo kaming magkakapatid. Ako ang bunso. 13th. Trese. Malas daw. Sabi nga ng mga utol ko, napulot lang kuno ako sa etsas ng kalabaw. Pero eto ang dayalog:

Si Ako: ‘Nay bakit andami namin?
Si Inay: Kasi anak, kahit mahirap tayo at elementary school titser lang ang Itay mo, hindi kami tumigil hangga’t hindi kami nagkakaanak ng GUWAPO.

14. Usal-usalin: Kuwento ko ito.

15.

16.

17.

18. Mental block. Eto ang madalas kaaway ng kuwentista o kahit sinong manunulat. Payo: Mag-FB lang sandali. Mag-like ng mga itinag sa iyong tula o kuwento rin ng katulad mong aspiring writers kahit di mo naman talaga iyun binasa. Ganundin naman ang pakiramdam mo kapag itina-tag mo sila.

19. Mahirap lumabas at pumasok at lumabas muli at pumasok muli at lumabas muli at pumasok muli at luma…sa isang kuwento (paolet-olet?). Sa bahaging ito’y posibleng pagsisihan mo ang pagsunod sa payo kong mag-FB sandali kapag na-mental block. Hahaha! Naghanap lang naman talaga ako ng damay! Pero seriously, marami akong kuwentong hindi tapos. Dahil nga madalas, kapag lumabas ka sa kuwento ay di ka na makakabalik pa. O kung makabalik ka man, nawala na ang momentum. Piliting upuan ang kuwento hanggang ang pinakaimportanteng bahagi at lundo ng ideya ay maisulat na bago ka mag-FB.

20. Ang “pamagat” ay mula sa unlaping “pang” at salitang ugat na “kagat.” May kasabihang “Don’t judge the book by its cover.” Pero hindi pa naman aklat ang pinag-uusapan natin kundi pamagat pa lang. Kaya humanda kang husgahan ang kuwento mo sa pamagat pa lamang. Tanong ng estudyante ko: Ser, kailan dapat lalagyan ng pamagat? Bago magsulat o pagkatapos maisulat ang kuwento? (Siguro’y naisip niya ito habang nanonood ng MMK). “Wow, that’s a very b-e-a-utiful question. Okey class, assignment n’yo yan!”

21. Karakter.

22.

23.

24.

25. Ang karakter ang pinakamahirap buuin. Sa kaso ko, ang mga karakter ang hirap talaga ako buuin. Okey lang sa akin ang sticks o balls o kahit nga sa flowers at four seasons! Pero malas talaga ako pag karakter na ang bubuuin. Hindi naman talaga ako gumon sa Mahjong o 麻雀. Tinatawag din itong má jiàng (麻將) ng mga Mandarin-ispiking ngayon. Hirap akong i-identify ang mga karakter. Mahina ako sa mga karakter at simbol. Mahina ako sa pagbasa. Kada umaga kasi nun, bago pumasok, sinisilip ko sa pagkakahilata si Itay. Me taning na ang buhay niya nun. Sinisilip ko uma-umaga kung umaalon-alon pa ang kanyang dibdib. Umagang-umaga ako umaalis ng bahay at gabing-gabi na uuwi. Ayokong tumigil ng bahay. Madalas, hindi naman ako pumapasok. Nagpapayakag sa kaklase na mag-Mahjong sa kalapit na parlor sa eskuwelahan. Nakabarkada kasi nila yung binatilyong taong-bahay( o taong-parlor) na syota raw nung me aring bading. Pero hindi nga ako gumon sa Mahjong. Hindi kasi ko nagpalaot matuto. Hirap kasi ako bumuo ng mga karakter.

26. Setting.

27.

28.

29.

30. Ito ang tagpuan ng kuwento. Sa loob ba ng simbahan? Labas ng simbahan? Kung sa labas, ay sa harap ba? O sa likod? O sa tuktok? O sa lihim na bahagi ng simbahan? O sa anino ng simbahan na biglang nagtransform bilang pinto papunta sa isang sikretong hardin? O sa kumpisalan kung saan matatagpuan ang isang nagpapanggap na manunulat na nagtatangkang magpayo at ikinukumpisal na maging siya ay hindi naman talaga alam kung paano magkuwento? Subalit hindi niya itinuloy ang pangungumpisal sa prayle(Spanish era ang setting) dahil hindi naman ito ang kumpisal na nakasulat sa Biblia kaya lumabas na lang siya at nagpunta sa isang karinderia, na nagtransform bigla at naging internet café. At dahil Fathers Day, sumulat siya ng isang tula para sa namayapang ama at ipinost sa FB. Nabasa ni Simsimi at dinaklot siya at napunta siya sa loob ng kompyuter, sa mundo ni Simsimi at doon sila nag-usap ng walang kabuluhan. Anu’t anuman, dapat na may paglagyan ka ng mga karakter mo kung saan sila makagagalaw nang maluwalhati.

31. Time Management. Mag-aalas dose na at 1:30 ang klase ko. Mag-iigib pa ako. Maliligo, magbibihis, magla-lunch, sasasakay sa dyip, lalakad papasok ng kampus, diretso sa college namin, sa department, lapag gamit sa table, kuha susi sa Rm 213…at kailangang maisagawa ito sa di lalagpas sa isa’t kalahating oras, kaya, ipagpapatuloy ko na lang ito pag-uwi ko mamayang gabi, mga humigi’t kumulang walo at kalahating oras pa mula ngayon…

32. Maghintay. Ang writer ay kailangang matutong maghintay. Kung anoano ang dapat mong hintayin ay malalaman mo…

33. Kunwari ay nakauwi na ako at gabi (mga 845pm) na subalit 12:15nn pa lang ngayon at nagpatuloy lang kahit salit-salit ang mata sa tinitipang sa keyboard at higanteng wall clock ng Manila Bulettin na bigay ng pamangkin. Mental block uli. Silip sa FB. Like. Like. Koment. Koment. Tag. Like. Koment. Silip sa wall clock. 12:30! Log-out. Balik sa MS Word. Tipa ng kaunti. Control-S. Close. X. X. X. Shut down. (Teka, problematik ito. Panu naitayp ang “Shut down” kung nai-close na ang Word?)

34. Bahala na si Batman! Kadalasan, hindi laging robin na dumadapo ang mga ideya sa ating isipan. Lakad-penguin itong iinot-inot sa pagpasok sa utak. Me pagkakataon pa ngang parang nag-freeze na ang lahat. Pero kailangan mong magpatuloy kahit parang poison sa kamalayan ang paggigiit . Que sera sera. Pigain ang utak. Paduguin ang ilong. Kung kailangang maglaslas ka ng pulso ay gawin mo. (Hoy! Hindi kasali yung huli ha? Joker lang talaga ako :P)

35. Plot. Ito ang magpapagalaw sa kuwento mo. Ito ang sagunson ng mga aksyon. Panimulang galaw; papaakyat na galaw; karurukan(pinakamaigting na galaw), kakalasan (with a twist), at, the end. Karaniwang nagsisimula ang aksyon sa “Paano kung” na situwasyon. Halimbawa ng plot: PANO KUNG kahit ano ang gawin mo ay hindi ka naging sikat na writer? Inggit na inggit ka sa mga binabasa mong writers, mapa-imported man, lokal o si Bob Ong. Gagawa ka ngayon ng plot para lipulin sila lahat. Panimulang galaw: Pupunta ka sa Siquijor para hanapin si Barbara Mambabarang. Papaakyat na galaw: Pinaakyat ka ni Barbara sa puno ng Manggachapuy para hugutin sa sanga ang pangil ng kilat(kidlat) na magbibigay sa iyo ng power. Ganito rin diumano ang power ni Pacman bukod sa kanyang mahaba at matigas na…braso. Karurukan: Nahulog ka sa puno ng Manggachapuy, dead on the scene. Kakalasan (with a twist): Inilibing ka ni Barbara Mambabarang na nagpanggap lang palang Barbarang Mambabarang na sa tunay na buhay pala ay si Bob Ong na sa tunay na buhay ay hindi mo nga alam kung sino at natunugan na niyang ikaw ang papalit sa kanya kaya inunahan ka na niya sa pamamagitan ng paglagari sa bahagi ng sanga ng Manggachapuy na tatapakan mo. Ang wakas: Nagpakamatay si Bob Ong dahil narealize niyang crush ka niya dahil ang kyut mo tingnan habang nahuhulog mula sa Manggachapuy hawak ang pangil ng kilat. The End. Wait, close-up sa kamay ni Bob Ong na gumalaw ang hinliliit. Pahiwatig na meron pang Part 2.

36. Dayalog.

“Writer ka ba?”
“Bakeeet?!!!!!”
“Tinyaga mong basahin hanggang dito e.”

37. Story. Kaya ka nga tinawag na kuwentista, dapat me kuwento ka. Ano ang iyong ikukuwento? Mali ang tanong. Tama: Bakit kailangan mong ikuwento ang iyong ikukuwento?. Hindi naman sa nagkukuwento tayo para sagipin ang Planet Earth o ang buong universe, pero naman, huwag naman nating bastusin ang Literature and Society ni Ka Badong Lopez. Kung gano’n ay kalimutan mo na ang hate-love-relationship nyo ni Bob Ong. Marami namang “paano kung na situwasyon” na socially relevant din. Sampol: E di dinala ka nga ni Simsimi sa mundo nila (Tingnan ang Payo #33). Ipinagtapat niya ang kanyang lihim: Anak siya ni PNoy (Obvious ba raw sa kanyang buhok at kulay na dilaw?). Huwhaaaat?! Siempre, di ka agad maniniwala. Magpapaliwanag siya: Kesyo, family secret daw. At ang conspiracy theory ni Simsimi, ang Illuminati ang may kagagawan kaya siya naging si Simsimi. Simon ang tunay niyang pangalan. Favorite daw kasi ni PNOY ang….(Sisingit ka: “El Fili? Di ka niya papansinin at magpapatuloy…) Simon and Garfunkel. Sa pamamagitan ni Kris Aquino, nailakad sa Illuminati ang kaso niya. Kay Steve Jobs unang pinatatrabaho ang pag-erase sa kanya, pero hindi ito pumayag. Goodbye Steve Jobs! Ano ngayion ang plano ni Simsimi? O mas tamang sabihing, ano na ngayon ang plano n’yo? Eto ngayon ang plot: SONA 2012. Handa na ang lahat. Ang mga biktima ng Krusda, panahon ng ‘Merkano, Hapon, EdSA , ng Balangiga, Bud Dajo, Bud Bagsak, Jabidah, Tacbil Mosque, Escalante, Mendiola, Vizconde, Luisita, Ipil, Kauwagan, Kolambugan, Maguindanao, Norway, Guyana, El Salvador, Nanking, Babi Yar, Prisoners, Elphinstone’s Army, Batak, Thessaloniki, St Bartholomew’s day, Sabra and Shatila, Bolton, September at iba pang nalimutan na o hindi na nakarating sa ating kamalayan! Araw ito ng mga biktima! Handa na ang lahat! Lalo na ang mga pinighati ng kanyang ama dahil sa mga sistema at polisiyang tinanguan at isinulong tulad ng K + 12! Oplan Bayanihan! eVAT! Anti-planking! Ang mga biktima ng pambu-bully nung elementary o sa FB! At magaganap ang paghihiganti sa SONA ng kanyang ama! Sisigaw si Simsimi, ito ang rurok ng aksyon: “ New World Order!” Sa bahaging ito ay magdududa ka. “Hindi kaya, illuminati rin si Simsimi? Pasok na agad ang kakalasan: Kakalas ka sa usapan n’yo ni Simsimi. Malulungkot siya. Kakausapin mo siya at aaluin. No response. Kakalabitin mo siya. No response. Babatukan. No response. Ibe-bear hug. No response pa rin. Hihilahin mo sa buhok. Tititigan ka nang masama: “Guluhin mo na buhay ko, wag lang ang buhok ko.” Ngingiti ka. Mangingiti rin siya. Magkakamay kayo. Babalik ka na sa mundo mo. The End.

38. Points of View.

Look, it happened once again
It happens every now and then
Feeling the hurt and hating all the men
Ready to stop it all
That’s when I need a friendly face
To see me through these lonely days
Just to put some sunshine in my place
Don’t take too long I need you

REFRAIN:

Here I am I haven’t gone that far away
And since I am
That kind of friend you know
Would stay with you through all the pain
Never to leave you in the rain
Ready to listen to what you’ve been through
Your woes and blues and share each other’s

CHORUS:

Points of view
We’ve been there once before
And kept our points of view
It doesn’t really matter if they’re never quite the same
We have our rules in different ways
We play the games of different folks with different strokes
And keep our points of view
See the world seems bright again
It only darkens now and then
Most of the time there’s just no telling when
Look up and see you’ve got me

REFRAIN:

Here we are
We may have gone our different ways
But since we are
The kind of friends who’ll always stay
No matter what the pain
Learning to love that cap o rain
Ready to say we’re here to stay in every way
Although we’e got our different…

CHORUS:

Points of view We’ve been there once before
And kept our points of view
It doesn’t really matter if they’re never quite the same
We have our rules in different ways
We play the games of different folks with different strokes
And never really change our….
Points of view
We’ve been there once before
And kept our points of view
It doesn’t really matter if they’re never quite the same
We have our rules in different ways
We play the games of different folks with different strokes
And keep our points of view

39. Mag-isip nang malalim. Ipinanganganak ba ang writer o ginagawa? Matitigilan ka. Lalamukusin mo ang keyboard at monitor ng kompyuter. Ibabalibag ang CPU. Kailangang sa bahaging ito ay makaramdam ka ng kasiyahan. Di maipaliwanag na contentment. Ngingisi ka. Pakiramdaman mo kung pilit ba ito o hindi. Kailangang maramadaman mong natural at hindi pilit ang pagngisi. 'Yung ngising parang Yahoo Messenger.

40. Binalikan mo ang pamagat. Binalak mong baguhin kasi’y hindi lang naman 13 ang nagawa mong payo. Hinayaan mo na lang kasi kung gagawin mong 40 Payo ay sino naman ang magbabasa ng ganun kahaba? Hindi ka tiyak sa isinulat mo. Pero nandiyan na yan. Sayang kung buburahin mo pa. At saka naisip mo: Maano nga? Kuwento ko ito. Kuwento ko ito.

--German Villanueva Gervacio--

Biyernes, Hulyo 13, 2012

Rengga 101



Rengga 101
- Sining-TNT (Aris, Emmanuel, Gem, Lenkurt, Macky)

'Wag palaging umaasa
sa mga 'di kaasa-asa.
Hindi lamang sang-iglap
ang pagbabagong hinahagilap;
Mahaba ang kailangang panahon
bago makarating sa puntong pag-ahon.

Isasalaysay ba sa kanyang palad
ang iyong kapalarang na sa palad nakalahad-
Isusuko mo na lang ba?
Iaalay na parang tupa
sa harap ng taong sinasamba-
Inhustisya.
Hindi ka hangal, kumilos ka!

Mga inutil lang ang umaasa
sa pag-asa-

Walang kwenta ang pag-asa
kung wala itong kaakibat na gawa.

Walang mapapala kung ika'y tutunga-nga
at mag-aabang lang sa pagdating ng salitang pag-asa

Kung hindi mo imumulat ang iyong mga mata bago magtakipsilim-
ang sarili mo'y mananatiling kabalyesira ng dilim.
Ang pag-asa'y mananatiling umaasa-
ang umaasa'y mananatiling huwad na pag-asa.

Tulad ng tubig sa balon-
hindi mo makukuha ang tunay laman-
kung hahagisan mo lang ang balon ng piso.
Hindi masasalamin ang iyong abiso.
Ang pag-asa'y tubig sa balon-
kailangan mong kadluin
hindi mo kailangang pangarapin.

Oo, kailangan ngang kadluin
tinatawag na pag-asa
kailangang ito'y maging tawa
at hindi laging ngiti
maging tuwa
hindi laging tawa
maging saya
hindi laging tuwa
maging ligaya
hindi laging saya.

Ganoon na nga, inutil ang mga umaasa
at hindi ko lang ngayon sasabihin
magtagpo man tayo sa iyong panaginip
ito pa rin ang aking sasambitin
"May presyo ang pag-asa
hindi libre ang pangarap.

                                                                                        


                                                                                               Oktubre 2011

Huwebes, Hunyo 14, 2012

(Rated PG) Pagsilip sa "Threesome" ni Mark Angeles




Laro sa tatlo ang Threesome, ikatlong self-published poetry book ni Mark Angeles. Maaaring sequel ito ng Patikim na koleksyon niya ng mga tulang isinalang ang usapin ng pag-ibig sa sari-saring kalan ng sentimentalismo, psychoanalysis, at Marxistang pananaw. Tatlu-tatlo. Koleksyon ito ng mga bagong tula niya sa Filipino, ng mga tula niya sa Ingles, at ng mga salin sa Filipino ng love poems ng mga banyagang makata. Bilang ekstensyon ng Patikim, nilaro niya ang wari ng mga mangingibig ngunit mas palaban na ngayon. At dahil marami na rin ang humihiling na ilathala na niya ang mga tula niya sa Ingles, isinama niya rito ang ilang piling tula. Ang ikatlong bahagi naman ay seksyon ng mga salin ng mga piling akda ng mga banyagang makata mulang Ingles. Isang proseso ang naging karanasan niya sa pagsasalin sa paghagilap ng mga tamang salita—ibinalita ito sa huling pahina ng aklat—lalo na’t ilan sa mga tulang napili ay mga salin din sa Ingles at may dalawa o higit pang bersyon (halimbawa, mga tula nina Pablo Neruda at C.V.Cavafy). Sa aklat na ito, may ilang ulit na nag-walkout, may paring hindi natiis ang kanyang libog, at may mangingibig mulang La Pobreza.

0612



We are all
born with
muskets
pointed
at our heads

And every move
is
orchestrated
by long-
sleeping
ghosts
within
those
damned
bills
stamped and inked
with the blood
of Samuel's
greed.

As such,
we are all
born

In despair
on the edge
empty
impoverished
and
virtually

In dependence.

2012, June 11


--Aris Remollino--

Miyerkules, Hunyo 13, 2012

Ang Kalayaan, Ayon Sa Textbook Na Hindi Ipinagbibili Dahil Pag-aari Ng Pamahalaan



Maaari bang
Huwag
nang ipagdiwang
Ang araw
Ng pagkakasanla
Ng ating bayan?
Sayang lang
Ang isang araw
Na sana'y merong pasok
Sa trabaho

Dahil

Ayaw kong makaligtaan
Ang pagdaan
Ng tatlong raan
At animnapu't limang araw
Na baka sakaling
Ideklara ang--
Tunay na
Karapatan
Habang ako'y
Tagaktak
Pawis
At kayod
Kabayo
Upang kumita
Ang aking dayuhang amo.

Kalayaan,
Kailan
Ka
Ba
Matutubos?


--Lenkurt Lopez--

(H)independence Day

unang naisulat noong june 12 2009
medyo inayos ngayong june 12 2012
http://otsopya.multiply.com/journal/item/688



Isang araw na marapat ipagluksa,
Hindi piyesta opisyal na ipagsasaya
Pagkat ngayon ang araw na kawawa,
Pilipino'y naisahan ng kanyang kapwa.

Sa pilak na dolyar hudas ay nagkasya,
Ibenta ang dangal at puri ni Pilipina.
Nagpauto't nakipagkuntsaba,
Pumayag na maging papet ng imperyalista.

Inagaw nila sa ating mga kamay
Ang tunay na tagumpay
Ng proletaryong makabayang nag-alay
Ng dugo, pawis, at buhay.

Daang libong taon man ang mapilas,
Tanikala ng krus at espada'y nakakalas
Subalit di natatapos ang ating pagpupumiglas,
Kilalanin, kaaway nating namamalas
Maging mapanuri't matalas

Pansinin, pangalan at anyo
Natatanging nagbabago
Hindi ang mga pagsasamantala at siphayo
Hindi ang mga pangaapi at pangaabuso
Hindi ang mga panguuto at panggagantso

Katotohanan ay itinatago
Ng sapin-saping balatkayo
Ikinukubli sa maraming termino
Ang tunay at totoo:

Sa leeg nati'y nananatiling nakakawit
Lubid ng imperyalismong malupit,
Hinahamig yaman ng bayang marikit
Sa pansariling interes ay magamit.

Binura nga ang base ng abusadong si Sam,
Ngunit VFA ay may parehas na tinuturan.
Nagbabago ang pangalan ngunit hindi ang ugnayan,
Nanatiling papet at tuta tayong,

Uupo-
Lulundag-
Sa kanilang gusto.

Kailan pa bang mga kahol aalingawngaw
Sa bukid ng mga bayaning binabangaw

Kailan pa ba ikaw babalikwas
Kailan pa ba ikaw magaaklas

Kapag binawi ka na din ng lupa
Kapag niyakap ka na din ng Bathala

Kapag multo mo na lang ang aming giya
Tagumpay ay aming matatamasa

(H)indipendence day ngayon,

Hindi
Kalayaang
Tunay
Na kasanga-sangayon,

Halina gunitain,
Binaluktot na kasaysayan
Nang matuto
Sa iniwang aral
Ng marahas na tunggalian.
Bukas, sa ating mga anak
Iugit nati'y pagwawasto,
Nang sa mga dumanak
Nating pawis at dugo

Anihin
Ang pagbabago.


--Pia Montalban--

Martes, Hunyo 12, 2012

06121898



Kung kailangan ng kausap
i-dial ang numero
sa magarbong iphone
na kakabili mo ngayon.

I-save agad sa memory
lagyan mo ng pangalan
pero i suggest, mas bagay
ang Sam.

Maraming siyang ipu-forward na joke
kapag siya ay kinilala
iyak-tawa ang hantungan
hanggang sa ika'y magmukhang tanga.

Ingat lang sa kakatawa, sa pagsasaya
baka mabitawan ang iphone na dala

mahal pa naman iyan, galing pang amerika.


--Emmanuel Halabaso--

Kung Nasaan ang Kalayaan sa mga Panahong Ito



Saang sulok ng bansa matatagpuan ngayon ang kalayaan?
Ngayong ang layang manalig ay laya lamang na maniwalang
ang buktot na pinuno'y talaga ng Diyos,
ngayong ang layang sumapi'y laya lamang na mapabilang
sa korong umaawit ng mga "Hosanna" sa magnanakaw ng trono,
ngayong ang layang mangusap ay laya lamang na purihin
ang mga diyus-diyosang nararapat na sumpain --
saang sulok ng bansa matatagpuan ang kalayaan?

Hindi ito matatagpuan saanman,
hindi ito matatagpuan saanman
kundi sa mga diwa't pusong nakatatalos at nagpapahalaga
sa kanyang kabanalan bilang karapatan ng lahat.
Siya'y kinakanlong ngayon ng mga diwa't pusong ito,
at siya'y kanilang ibubulwak sa lahat ng sulok ng bansa
kapag ang kanilang kabatiran at pag-ibig
ay naging iisang lakas ng angaw na kamao.


Marso 29, 2006

--Alexander Martin Remollino--

Kalayaan, Araw Ng. . .



nang iwagayway ni emil
ang brief niyang asul-puti-pula
na tinamuran ni tiyo samuel
                    nagsimulang
mabuntis ang ilusyong malaya
na sila
            malaya na sila

parang maya lang
na malayang mamulot
ng mumo
                 o bangus
na bunsol sa kamatis-sibuyas-paminta
na malayang
humilata sa baga
o si Pepe
              na malayang
mag-trenchcoat
kahit matindi ang sikat ng araw

kaya mula noon
okey lang mangutang
kahit iba ang papasan
                        ayos lang
maging pangulo
                nang wan tu sawa
ipalsak ang libo-libong sapatos
sa dadalawang paa

                 tumayong pangulo
kapalit ng banang itinumba

malayang sumubo ng tabako
nang walang baga
                             lumipad
paroo’t parito
kasama ng asawa

malayang magtrip
ang artista
                 na sandaling gumanap
                 na presidente

malayang mandaya sa eleksyon
basta magso-sorry lang
                  malayang tumakbo
nang paulit-ulit
                          malayang magnakaw
nang hindi nasasabit
                                  malayang
magpabandying-bandying
at ang porsche
at lovelife
                 ang asikasuhin

okey lang ibaon sa lupa ang magsasaka
okey lang yumari ng manggagawa
okey lang patahimikin ang aktibista
okey lang lamas-lamasin ang masa
okey lang kantutin ang lahat na

ang saya diba? ang saya!

oh haw ay lab my kantri,

da pilipins!

nakatutula ako
                  ng gusto ko

                  nang gusto ko

hindi ako kailangang maging
                                               mahusay
hindi ako kailangang
                                   matakot
na magkamali

   magkabale-balentong man
   mawalan man ng saysay at kahulugan
  kumorni man
  wuttever

:P
:P
:P

8%#$***_____**!Fkcu#%&

                        malaya ako
                        malaya sila
                        malaya kami
araw natin ito!
                        magsaya!
                        magsaya!
talo man si jessica
talo man ang boston
talo man si pacman

kahit ikaw lang ang nag-like sa shoutout mo
ikaw lang din ang nagshare sa sarili mo
at sa koment ay itinag mo pa rin ang pangalan mo

magdiwang!
magdiwang!
magdiwang!
                     kumakalam man
                     ang ating mga tiyan

dinadayukdok man
ang ating karapatan

                         klap klap klap!
                         Yahu yahu yahuuu!

kesehoda ang mga nega
deadmahin, inggitero't inggitera
i-unfriend ang troll
i-block ang sambakol

shumembot shembot!
pabulo-bulolot!

                     martes de santo
                     martes de santo
wagi tayo
sa pambansang ilusyong ito!


yeah, baby yeah
break it down...




12 HUnyo 2012 Iligan City
--German Villanueva Gervacio--

Lunes, Hunyo 11, 2012

Iliganon



Sa paanan ng bundok,
Kami'y nakahimlay.
Kaniig ang halik ng lumbay
Ng mga alon sa baybay.

Umiilig-ilig sa aming bayan--
Mga hinulugan at bukal,
Mga sugilanong supernatural:
Diwata, babaylan, pagano

Sa batayan ng mga relihiyoso
Depende sa kung saan panatiko,
Digmaan ng mga nagtatalong totoo
Sa sagutan ng mga bomba't punglo.

Sa paanan ng bundok,
Kuta kami ng mga kaibiga't kaaway,
Nakikita at kunyaring di nakikita.
Sa aming mga gubat, ilog at baybay:

Naisumpa ng mga patay,
Takda ng aming mga buhay.


--Pia Montalban--