Martes, Enero 24, 2012

Bitayin si Gloria Chapbook



Enero 20, 2001.. Dahil sa bisa ng sama-samang paghahanap ng katarungan at katotohanan, naganap ang ikalawang EDSA Uprising at nasipa si Erap. Nanumpang pangulo ang noo'y bise presidenteng si Gloria Macapagal Arroyo. Sa kanyang pag-upo sa Malakanyang, isinumpa siya hindi lang ng mga kalaban niya sa politika, kundin pati na rin ng taumbayan, dahil sa kaliwa't kanang pangungurakot niya sa kaban ng bayan.
Pagkatapos ng isang dekada, "stay in" siya ngayon sa presidential suite ng Veterans, samantalang ang mga may sakit nating mga kababayan, halos magpakamatay na para makahanap lang ng pambayad sa ospital! Hindi lang siya dapat isumpa! Bitayin si Gloria! 

Ped Xing: Barangay Corazon de Jesus



Karapatan ng bawat mamamayan na magkaroon ng maayos na matitirahan, at tungkulin ng Estado na ibahagi ang pangunahing pangangailangang ito. Malinaw itong nakasaad sa 1987 Constitution (Article XIII, Sections 9-10). Ayun din sa artikulong iyon, tungkulin ng Estado ang makipag-negosasyon sa mga maralitang tagalungsod at magsagawa ng relokasyon sa pamamaraang makatao at naaayon sa batas. Patunay ang pamamayani ng karahasan sa Brgy Corazon de Jesus, Pinaglabanan, San Juan na may malaking pagkukulang ang programang pangrelokasyon ng kasalukuyang pamahalaan. Mahirap sisihin ang mga residente ng Corazon de Jesus kung pinili nilang manatili roon dahil sa kawalan ng kongkretong alternatibong pangkabuhayan mula sa Estado. Higit sa lahat, sa nangyaring marahas na pagtataboy sa mga residente ng Corazon de Jesus, pinatitibay lamang nito ang katotohanang wala pa ring pag-unlad sa estado ng pamumuhay ng mga maralitang tagalungsod.


Basahin ang mga tula sa Pinoy Weekly

Martes, Disyembre 27, 2011

TAAS KAMAO!



TUGON KAY KUO MO-JO (9 Enero 1963)
-Mao Tsetung -- (Salin ni E. San Juan, Jr.)


Sa munting daigdig na ito
Ilang langaw ang walang pakundangang bumubunggo sa pader
Humihiging nang walang patid
Minsan ay nakapanghihilakbot
Minsan naman ay humihikbi.
Mga langgam na umaakyat sa puno ng balang ang naghahambog,
umaasta tulad ng isang makapangyarihang bansa
Ngunit madaling sabihin na ang mga salagubang ay nagsasabwatang
makayugyog sa mga ugat ng isang gahiganteng puno.
Sa Ch'angan, napigtal ang mga dahon at naipamudmod ng hanging kanluranin,
At ang mga palaso'y lumilipad, busog na nagpupumiglas.
Napakaraming gawain ang sumisigaw ng katuparan
At laging pinakakailangan;
Patuloy sa pag-inog ang mundo,
Ang panahon ang nag-uudyok.
Lubhang matagal ang sampung libong taon.
Sunggaban ang araw, sunggaban ang oras!
Sumisiklabo ang Apat na Dagat, mga ulap at tubig na nagngangalit,
Nayayanig ang Limang Kontinente, sigwa'y nag-aalimpuyo, umaatungal
ang kulog.

Durugin ang mga peste!
Ang lakas natin ay hindi mapipigilan.


--------
Mapagpalayang ika-118 na kaarawaan, dakilang guro, komunista, rebolusyonaryo, lider Mao Zedong!
Mapulang ika-43 na anibersaryo, TUNAY NA HUKBO NG BAYAN! (Disyembre 26)

Miyerkules, Nobyembre 30, 2011

Ang Mahigit sa Sansiglo ay Waring Walang Anuman

Galing ang larawan sa en.wikipilipinas.org


I
Ang mahigit sa sansiglo ay waring walang anuman.

Naririto pa rin
ang mga maharlikang nagnanais na maging alipin
na humiklas sa iyong hininga.
(Magugunitang matapos ang kanilang kataksilan
sa Bundok Buntis, Maragondon
ay pinilas-pilas nila ang "Katapusang Hibik ng Pilipinas"
at pinalitan ito ng Kasunduan ng Biak na Bato.)

Sila'y naririto pa rin, Bonifacio:
naghahari pa rin sa ating lupaing
nakasanla pa rin pati kaluluwa.


II
Sa Biak na Bato,
apatnaraang libong piso ang naging kabayaran
upang ideklara ni Aguinaldo
na bandera ng mga bandolero, bandido't ladron
ang watawat ng mga Anak ng Bayan
at kanyang saluduhan
ang bandila ng Espanya.
Tumalilis siya patungong Hong Kong
bitbit ang magkapatid na Paterno
at iba pang "kapatid ni Cain."

Subalit sinuyo sila ng Estados Unidos
na noo'y kaaway na mortal ng Espanya
at inalok ng tulong sa pakikidigma,
at sila'y bumalik sa Pilipinas
upang muling magtimon sa Himagsikang
ipinagbili nila pati dangal sa Biak na Bato.
Sa Kawit, kanila pang
ipinagsigawan ang "kasarinlan" ng Pilipinas
na nasa mapagkandili diumanong kamay
ng "Dakila't Makataong Bansang
Hilagang Amerikano."

Ngunit ang kasarinlang natamo
ay "tanikalang ginto" lamang pala
at doon sa mga larangan,
muling umalingawngaw ang mga putok ng baril.

Sa muling nagbangong Himagsikan,
dumanak ang dugo ni Luna --
sa kamay ng sariling mga kababayan,
mga tauhan ni Aguinaldo --
matapos ang kanyang pagsigaw ng:
"Mabuhay ang kasarinlan!
Kamatayan sa awtonomiya!"

Samantala,
sa hanay ng Rebolusyonaryong Pamahalaan,
ikinalat ang kamandag ng kabulaanan
laban kay Mabini.
At siya'y nagbitiw sa tungkulin.

Bonifacio, batid nating si Mabini
ay mortal na kalaban ng pananakop --
kagaya ni Luna.

Habang tinutugis palang parang daga
ng mga puwersa ni Funston si Aguinaldo,
naglalaro na sa kanyang isip
ang muling pakikipagsapakat
sa mga kaaway ng kasarinlang
dinilig ng dugo ng ating mga tunay na kapatid.
Matapos na madakip ni Funston,
agad na sumaludo si Aguinaldo
sa bandila ng Estados Unidos
at muli niyang dinurhan sa mukha
ang mga manghihimagsik na Anak ng Bayan --
kabilang na si Sakay,
na sa malao't madali'y ipagkakanulo sa bitayan
ng mga pumatid sa iyong paghinga.


III
At hindi matatapos doon
ang kanilang pang-aagaw ng tagumpay
at pagkakanulo sa pakikibaka.


IV
Sa Pambansang Asambleyang natayo,
nagputakang parang mga manok
ang mga Quezon at Roxas
at sila'y nag-unahang parang mga daga pa-Washington
gayong ang hangad lamang nila kapwa
ay kasarinlang gumagapang
at inaalalayan ng Amerika.

Bonifacio, ang mga kapatid din ni Aguinaldo
ang kumilala sa "karapatan" ng Hapon
na gapusin ang Pilipinas
at paulit-ulit na bayuhin ng puluhan ng baril
ang humpak na tiyan ng ating mga kapatid.

Sila rin ang yumakap nang buong higpit
sa "kasarinlang" nagbigay ng pagkakataon sa Amerika
na lamuning tuloy-tuloy ang ginto't bulaklak
ng lupaing Pilipinas --
kasarinlang "lukob ng dayong bandila,"
kung saan ang Pilipinas
ay patuloy na nakasanla pati kaluluwa.
At ito'y pagyakap na kasama pati mga hita't binti.


V
Sila ang unang pumalakpak
nang iladlad ni Marcos ang tabing ng karimlang marahas
at sa EDSA,
nang masunog sa poot ng taumbayan ang tabing,
mabilis pa sa kidlat
na hinablot nila ang watawat ng pakikitalad
na taumbayan ang siya namang talagang tumatangan
at walang kahihiyang sila ang nagwagayway nito.

Gayundin ang ginawa nila
nang sa pangalawang pagkakataon --
labing-apat na taon matapos mapalayas si Marcos --
ay maging tagpuan ng poot at pag-asa ang EDSA.
Kalaunan,
nalaglag kapwa ang mga maskara nina Estrada't Arroyo
at napatunayang iisa lang pala ang kanilang mga mukha.

Ginawa nila ang lahat nito
habang nagpupugay sa dayong bandilang
nakalukob pa rin sa ating watawat.


VI
Ganito ang ginawa nila, Bonifacio --
sapagkat ang tunay na hangad nila
ay hindi ang kalayaan, hindi ang dangal
kundi ang mga susi, ang mga susi
sa mga bastiyon ng kanilang pinapanginoong mga dayo.


VII
Huwag munang humimlay, Bonifacio
sapagkat ang "Katapusang Hibik ng Pilipinas"
ay hindi siyang naging katapusang hibik.
Hindi natatapos ang hibik ng Pilipinas,
hindi matatapos ang hibik ng Pilipinas
hanggang sa hindi nalalagot ng punlo
ang matandang tanikala
at hanggang sa hindi napaluluhod at napahahalik sa lupa
ang mga nagkanulo't patuloy na nagkakanulo
sa ating Himagsikan.


Pasasalamat na walang hanggan, Dr. Renato Constantino -- Ang May-akda

2007, Nobyembre 16
--Alexander Martin Carteciano Remollino--

Sabado, Nobyembre 19, 2011

Katulad Ka Nila sa Kabila ng Iyong Kaibhan

Galing ang larawan sa Arkibong Bayan.


Kay Ricardo Ramos, kapitan ng Brgy. Mapalacsiao sa Hacienda Luisita at presidente ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU), pinaslang noong Oktubre 25, 2005 habang ipinagdiriwang kasama ng ilang tanod-baranggay ang pagkakamit ng back wages ng mga kasapi ng nasabing unyon sa gitna ng welga ng mga manggagawang-bukid at manggagawa


Marami silang nauna sa iyo.

Mahigit sila sa sampu,
mga kapitan ng baranggay
na ipinatawag sa bahay
ng gobernador na naging oposisyunistang senador.
Sila'y pumasok sa bahay na iyon
at hindi na nakita kailanman.

Katulad ka nila
na nawala upang hindi na magbalik kailanman
sa panahong tulad ngayon
na hindi matahimik
ang mga manggagawa ng tubuha't ng gilingan
na binubuhay sa bingit ng kamatayan
ng mga panginoon ng lupang hindi nila lupa,
ng mga mamumuhunan ng salaping katas
ng lupang ninakaw.

Ang ipinagkaiba mo, Ka Ric,
ay ito:
kahit paano,
alam naming pinasambulat ng dalawang punlo
ang iyong ulo
sa lupa ng sarili ninyong likod-bahay
at hindi ka pumasok sa bahay ng mga naiwan
ng gobernador na naging oposisyunistang senador
upang hindi na makita kailanman.

Sa kabila ng kaibhang ito
ay wala kang ipinagkaiba sa kanila.
Katulad ka nila
na kinitlan ng buhay sa Hacienda Luisita
habang nasa unahan
ng mga manggagawa't mamamayang
humihingi ng buhay.


--Alexander Martin Carteciano Remollino--
2005, Oktubre 28

Huwebes, Nobyembre 17, 2011

Buwan ang Aking Gabay


Madilim ang paligid
binabagtas niya ang madilim na daan upang makatakas.
Kamay at braso ang nagsisilbing panghawan sa mga talahib-
na nagiging sagabal sa tinatahak niyang landas.
Takbo't lakad-
inaalipin ng takot ang mga binti't paa.
Nagpasalamat siya sa mga kuliglig-
ang mga daing at paghihirap ng mga kasama'y hindi na naririnig.
Nagpasalamat siya sa dilim-
Nawala sa kanyang paningin
ang mga kasama niyang nakahandusay at pinatay.
Nagpasalamat siya sa bahagyang liwanag ng buwan-
nakita niya ang daan ng pagtakas.
"Ayaw kong mangyari sa akin ang sinapit ng aking mga kasama--
kailangan kong makalayo sa sakim na Asendero."
Ngunit, natigilan siya sa pagtakbo nang wala na siyang maaninag.
Ang buwan na nag-iisa niyang tanglaw;
natakpan ng ulap.
"Ito na ba ang hangganan ng aming ipinaglalaban?"
Napaluhod siya't sarili'y kinausap,
pumatak ang luha sa lupa
"Hindi!
Hindi ko sila maaaring talikuran."
Madilim man ang kanilang kamatayan
may liwanag pa ring naghihintay-
palalayain ng ulap ang buwan-
May paparating na bagong umaga
para sa pakikibaka-
at katarungan.


--Lenkurt Lopez--

Miyerkules, Nobyembre 16, 2011

Doon Kami


Doon,

mula sa payak na lupa
bumungkal ng bagong pag-asa
tinaniman ng kaluluwa-

simula nang buhay
simula nang tadhanang
makabuo ng bagong likha
sa puso ng isa't isa.

Doon,

nagpatubo ng mga pananim
upang maging pantawid
sa kumakalam na sikmura

wala nang laman ang pitaka,
wala pang laman ang tiyan;
nakakaramdaman din kami,
may puso ang isa't isa.

Doon,

ibinahay na namin
ang buhay at pangarap
tinayuan ng mga haligi

tiniyak ang karapatan
tiniyak ang katatagan
ngunit bakit pinipilit
mawala ang puso ng isa't isa.
Doon,

binungkal na namin
ang natitirang pag-asa
at nagtundos ng pakikibaka

inagaw na ang hacienda
huwag na huwag ang kapirasong pita
dahil sa ngayon mas matindi ang kapit
ng aming puso sa isa't-isa-

doon kami
muling naging isa.

Oktubre 28, 2011. Halos 400 kapulisan, militar at mga security guards pa din ang nakapalibot at nagbabanta ng pagbuwag sa kampuhan ng mga magsasaka sa Brgy. Balite, Hacienda Luisita.


--Emmanuel Halabaso--

11/16


nang bumuhos ang ulan
may dugo sa tubuhan
noong Nobyembre disi-sais, dos mil kwatro
sa sais mil kwatro syentos trenta y singko
ektarya ng Hacienda Luisita
paraiso ng mga magsasaka
na simbolo ng oligarkiya
ng isang pamilya
nilimot na ba ng panahon
ang pitong taon
nagmarka ang onse disi-sais
ang petsa ng pagkondena at pagtangis
kung sinong nagtanim
walang aanihin
kasamang ibinaon sa lalim ng anim
na talampakan
ang kanilang mga pangalan
tatangayin ng hangin
ang kanilang mga hiling
aalingawngaw sa nananatiling
saradong pintuan
ng isang maykapangyarihan
sa Malakanyang


--Jack Alvarez--

Tuesday Group


Sa pasilyo
ng paborito nilang tagpuan
madalas naririnig
ang kanilang kuwentuhan.
Nababakas
sa pinakikintab na sahig
mga halakhak
na kumakalat sa lugar.
Pawisan,
habang patuloy
ang pagnginig ng kanilang katawan
sa de aircon na tagpuan.
Malamig-
kasing lamig ng bangkay
at hustisyang
hindi nila maibigay.

Noong nakaraang Oktubre 2011, tumungo ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita at ilang progresibong sektor sa tanggapan ng Supreme Court upang iparating sa kanila ang kanilang hinaing. Hanggang ngayon, hindi pa rin dinidinig ang kanilang hinaing.


--Emmanuel Halabaso--

Martes, Nobyembre 15, 2011

asyenda


hindi malilimot ng lupa
ng hangin, ng tubig
maging ng mga kuliglig
ang inyong mga tinig
hindi nila mapapaknit
sa gulanit na isip
ang kasawiang sinapit
ninyong uring anakpawis.
hanggang kayang alalahanin
hindi nila ipalilimot
sa pusong may budhi
mga nangyari
noong ika-16 ng Nobyembre...


--Noel Sales Barcelona--