Miyerkules, Nobyembre 30, 2011

Ang Mahigit sa Sansiglo ay Waring Walang Anuman

Galing ang larawan sa en.wikipilipinas.org


I
Ang mahigit sa sansiglo ay waring walang anuman.

Naririto pa rin
ang mga maharlikang nagnanais na maging alipin
na humiklas sa iyong hininga.
(Magugunitang matapos ang kanilang kataksilan
sa Bundok Buntis, Maragondon
ay pinilas-pilas nila ang "Katapusang Hibik ng Pilipinas"
at pinalitan ito ng Kasunduan ng Biak na Bato.)

Sila'y naririto pa rin, Bonifacio:
naghahari pa rin sa ating lupaing
nakasanla pa rin pati kaluluwa.


II
Sa Biak na Bato,
apatnaraang libong piso ang naging kabayaran
upang ideklara ni Aguinaldo
na bandera ng mga bandolero, bandido't ladron
ang watawat ng mga Anak ng Bayan
at kanyang saluduhan
ang bandila ng Espanya.
Tumalilis siya patungong Hong Kong
bitbit ang magkapatid na Paterno
at iba pang "kapatid ni Cain."

Subalit sinuyo sila ng Estados Unidos
na noo'y kaaway na mortal ng Espanya
at inalok ng tulong sa pakikidigma,
at sila'y bumalik sa Pilipinas
upang muling magtimon sa Himagsikang
ipinagbili nila pati dangal sa Biak na Bato.
Sa Kawit, kanila pang
ipinagsigawan ang "kasarinlan" ng Pilipinas
na nasa mapagkandili diumanong kamay
ng "Dakila't Makataong Bansang
Hilagang Amerikano."

Ngunit ang kasarinlang natamo
ay "tanikalang ginto" lamang pala
at doon sa mga larangan,
muling umalingawngaw ang mga putok ng baril.

Sa muling nagbangong Himagsikan,
dumanak ang dugo ni Luna --
sa kamay ng sariling mga kababayan,
mga tauhan ni Aguinaldo --
matapos ang kanyang pagsigaw ng:
"Mabuhay ang kasarinlan!
Kamatayan sa awtonomiya!"

Samantala,
sa hanay ng Rebolusyonaryong Pamahalaan,
ikinalat ang kamandag ng kabulaanan
laban kay Mabini.
At siya'y nagbitiw sa tungkulin.

Bonifacio, batid nating si Mabini
ay mortal na kalaban ng pananakop --
kagaya ni Luna.

Habang tinutugis palang parang daga
ng mga puwersa ni Funston si Aguinaldo,
naglalaro na sa kanyang isip
ang muling pakikipagsapakat
sa mga kaaway ng kasarinlang
dinilig ng dugo ng ating mga tunay na kapatid.
Matapos na madakip ni Funston,
agad na sumaludo si Aguinaldo
sa bandila ng Estados Unidos
at muli niyang dinurhan sa mukha
ang mga manghihimagsik na Anak ng Bayan --
kabilang na si Sakay,
na sa malao't madali'y ipagkakanulo sa bitayan
ng mga pumatid sa iyong paghinga.


III
At hindi matatapos doon
ang kanilang pang-aagaw ng tagumpay
at pagkakanulo sa pakikibaka.


IV
Sa Pambansang Asambleyang natayo,
nagputakang parang mga manok
ang mga Quezon at Roxas
at sila'y nag-unahang parang mga daga pa-Washington
gayong ang hangad lamang nila kapwa
ay kasarinlang gumagapang
at inaalalayan ng Amerika.

Bonifacio, ang mga kapatid din ni Aguinaldo
ang kumilala sa "karapatan" ng Hapon
na gapusin ang Pilipinas
at paulit-ulit na bayuhin ng puluhan ng baril
ang humpak na tiyan ng ating mga kapatid.

Sila rin ang yumakap nang buong higpit
sa "kasarinlang" nagbigay ng pagkakataon sa Amerika
na lamuning tuloy-tuloy ang ginto't bulaklak
ng lupaing Pilipinas --
kasarinlang "lukob ng dayong bandila,"
kung saan ang Pilipinas
ay patuloy na nakasanla pati kaluluwa.
At ito'y pagyakap na kasama pati mga hita't binti.


V
Sila ang unang pumalakpak
nang iladlad ni Marcos ang tabing ng karimlang marahas
at sa EDSA,
nang masunog sa poot ng taumbayan ang tabing,
mabilis pa sa kidlat
na hinablot nila ang watawat ng pakikitalad
na taumbayan ang siya namang talagang tumatangan
at walang kahihiyang sila ang nagwagayway nito.

Gayundin ang ginawa nila
nang sa pangalawang pagkakataon --
labing-apat na taon matapos mapalayas si Marcos --
ay maging tagpuan ng poot at pag-asa ang EDSA.
Kalaunan,
nalaglag kapwa ang mga maskara nina Estrada't Arroyo
at napatunayang iisa lang pala ang kanilang mga mukha.

Ginawa nila ang lahat nito
habang nagpupugay sa dayong bandilang
nakalukob pa rin sa ating watawat.


VI
Ganito ang ginawa nila, Bonifacio --
sapagkat ang tunay na hangad nila
ay hindi ang kalayaan, hindi ang dangal
kundi ang mga susi, ang mga susi
sa mga bastiyon ng kanilang pinapanginoong mga dayo.


VII
Huwag munang humimlay, Bonifacio
sapagkat ang "Katapusang Hibik ng Pilipinas"
ay hindi siyang naging katapusang hibik.
Hindi natatapos ang hibik ng Pilipinas,
hindi matatapos ang hibik ng Pilipinas
hanggang sa hindi nalalagot ng punlo
ang matandang tanikala
at hanggang sa hindi napaluluhod at napahahalik sa lupa
ang mga nagkanulo't patuloy na nagkakanulo
sa ating Himagsikan.


Pasasalamat na walang hanggan, Dr. Renato Constantino -- Ang May-akda

2007, Nobyembre 16
--Alexander Martin Carteciano Remollino--

Sabado, Nobyembre 19, 2011

Katulad Ka Nila sa Kabila ng Iyong Kaibhan

Galing ang larawan sa Arkibong Bayan.


Kay Ricardo Ramos, kapitan ng Brgy. Mapalacsiao sa Hacienda Luisita at presidente ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU), pinaslang noong Oktubre 25, 2005 habang ipinagdiriwang kasama ng ilang tanod-baranggay ang pagkakamit ng back wages ng mga kasapi ng nasabing unyon sa gitna ng welga ng mga manggagawang-bukid at manggagawa


Marami silang nauna sa iyo.

Mahigit sila sa sampu,
mga kapitan ng baranggay
na ipinatawag sa bahay
ng gobernador na naging oposisyunistang senador.
Sila'y pumasok sa bahay na iyon
at hindi na nakita kailanman.

Katulad ka nila
na nawala upang hindi na magbalik kailanman
sa panahong tulad ngayon
na hindi matahimik
ang mga manggagawa ng tubuha't ng gilingan
na binubuhay sa bingit ng kamatayan
ng mga panginoon ng lupang hindi nila lupa,
ng mga mamumuhunan ng salaping katas
ng lupang ninakaw.

Ang ipinagkaiba mo, Ka Ric,
ay ito:
kahit paano,
alam naming pinasambulat ng dalawang punlo
ang iyong ulo
sa lupa ng sarili ninyong likod-bahay
at hindi ka pumasok sa bahay ng mga naiwan
ng gobernador na naging oposisyunistang senador
upang hindi na makita kailanman.

Sa kabila ng kaibhang ito
ay wala kang ipinagkaiba sa kanila.
Katulad ka nila
na kinitlan ng buhay sa Hacienda Luisita
habang nasa unahan
ng mga manggagawa't mamamayang
humihingi ng buhay.


--Alexander Martin Carteciano Remollino--
2005, Oktubre 28

Huwebes, Nobyembre 17, 2011

Buwan ang Aking Gabay


Madilim ang paligid
binabagtas niya ang madilim na daan upang makatakas.
Kamay at braso ang nagsisilbing panghawan sa mga talahib-
na nagiging sagabal sa tinatahak niyang landas.
Takbo't lakad-
inaalipin ng takot ang mga binti't paa.
Nagpasalamat siya sa mga kuliglig-
ang mga daing at paghihirap ng mga kasama'y hindi na naririnig.
Nagpasalamat siya sa dilim-
Nawala sa kanyang paningin
ang mga kasama niyang nakahandusay at pinatay.
Nagpasalamat siya sa bahagyang liwanag ng buwan-
nakita niya ang daan ng pagtakas.
"Ayaw kong mangyari sa akin ang sinapit ng aking mga kasama--
kailangan kong makalayo sa sakim na Asendero."
Ngunit, natigilan siya sa pagtakbo nang wala na siyang maaninag.
Ang buwan na nag-iisa niyang tanglaw;
natakpan ng ulap.
"Ito na ba ang hangganan ng aming ipinaglalaban?"
Napaluhod siya't sarili'y kinausap,
pumatak ang luha sa lupa
"Hindi!
Hindi ko sila maaaring talikuran."
Madilim man ang kanilang kamatayan
may liwanag pa ring naghihintay-
palalayain ng ulap ang buwan-
May paparating na bagong umaga
para sa pakikibaka-
at katarungan.


--Lenkurt Lopez--

Miyerkules, Nobyembre 16, 2011

Doon Kami


Doon,

mula sa payak na lupa
bumungkal ng bagong pag-asa
tinaniman ng kaluluwa-

simula nang buhay
simula nang tadhanang
makabuo ng bagong likha
sa puso ng isa't isa.

Doon,

nagpatubo ng mga pananim
upang maging pantawid
sa kumakalam na sikmura

wala nang laman ang pitaka,
wala pang laman ang tiyan;
nakakaramdaman din kami,
may puso ang isa't isa.

Doon,

ibinahay na namin
ang buhay at pangarap
tinayuan ng mga haligi

tiniyak ang karapatan
tiniyak ang katatagan
ngunit bakit pinipilit
mawala ang puso ng isa't isa.
Doon,

binungkal na namin
ang natitirang pag-asa
at nagtundos ng pakikibaka

inagaw na ang hacienda
huwag na huwag ang kapirasong pita
dahil sa ngayon mas matindi ang kapit
ng aming puso sa isa't-isa-

doon kami
muling naging isa.

Oktubre 28, 2011. Halos 400 kapulisan, militar at mga security guards pa din ang nakapalibot at nagbabanta ng pagbuwag sa kampuhan ng mga magsasaka sa Brgy. Balite, Hacienda Luisita.


--Emmanuel Halabaso--

11/16


nang bumuhos ang ulan
may dugo sa tubuhan
noong Nobyembre disi-sais, dos mil kwatro
sa sais mil kwatro syentos trenta y singko
ektarya ng Hacienda Luisita
paraiso ng mga magsasaka
na simbolo ng oligarkiya
ng isang pamilya
nilimot na ba ng panahon
ang pitong taon
nagmarka ang onse disi-sais
ang petsa ng pagkondena at pagtangis
kung sinong nagtanim
walang aanihin
kasamang ibinaon sa lalim ng anim
na talampakan
ang kanilang mga pangalan
tatangayin ng hangin
ang kanilang mga hiling
aalingawngaw sa nananatiling
saradong pintuan
ng isang maykapangyarihan
sa Malakanyang


--Jack Alvarez--

Tuesday Group


Sa pasilyo
ng paborito nilang tagpuan
madalas naririnig
ang kanilang kuwentuhan.
Nababakas
sa pinakikintab na sahig
mga halakhak
na kumakalat sa lugar.
Pawisan,
habang patuloy
ang pagnginig ng kanilang katawan
sa de aircon na tagpuan.
Malamig-
kasing lamig ng bangkay
at hustisyang
hindi nila maibigay.

Noong nakaraang Oktubre 2011, tumungo ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita at ilang progresibong sektor sa tanggapan ng Supreme Court upang iparating sa kanila ang kanilang hinaing. Hanggang ngayon, hindi pa rin dinidinig ang kanilang hinaing.


--Emmanuel Halabaso--

Martes, Nobyembre 15, 2011

asyenda


hindi malilimot ng lupa
ng hangin, ng tubig
maging ng mga kuliglig
ang inyong mga tinig
hindi nila mapapaknit
sa gulanit na isip
ang kasawiang sinapit
ninyong uring anakpawis.
hanggang kayang alalahanin
hindi nila ipalilimot
sa pusong may budhi
mga nangyari
noong ika-16 ng Nobyembre...


--Noel Sales Barcelona--


Mga Pataba't Peste


Kami--
na ilan taong inalila,
ngayo'y nangungulila
sa matamis na
kalinga.

Iyan ba
ang kahulugan ng dilaw,
simbolo ng kagalakan,
simbolo ng kaligayahan?
Tila kayo'y mga baliw.

Kami--
ay inyong kamayan,
nang maintindihan
ang aming kahirapan sa inyong
kahayupan.

Tadtad
ng kalyo,
tila binayo;
patingin ng inyo,
Masarap ibaon
ang walong pulgadang
kutsilyo.


--Noel Vinoya Gomez--
8 Nobyembre 2011



Undas sa Asyenda


Tuwing Undas,
nagtitirik sila
ng kandila--

kung 'di man sa kanilang
mga pisikal na hapag,
tiyak, may nagliliyab, nagliliwanag
sa hapag
ng kanilang mga alaala.

"Nasa'n na ang hustisya?"

Marahil ito'y tanong
ng bawat isa
sa panahon
ng kanilang pag-iisa.

Ngunit sa panahon
ng kanilang pagkakaisa,
tatanglaw
sa kanilang kaisipan

ang lunas.

Pagsapit
ng panahong iyon,
titirikan namin ng kandila't
paglalamayan

ang pagpanaw
ng kanilang paghihintay.


--Aris Remollino--
2011, Nobyembre 8

Wala Kahit Sino sa Patay o Buhay

[Kabilang din ang tula sa mga ambag sa Panata sa Paglaya (Free Randy Echanis) chapbook.]


Kayo'y inaalalang mga kaluluwa
di lang ngayon kundi araw-araw
ng magulang, anak at asawa
na salit-salit sa mga ospital,
morge, kampo-militar o kulungan.
Pa'no kayo tiniwalag sa lipunan
ng mga bayarang halimaw
na sa inyo'y nagpapangatal?

Naging pipi ang hangin
sa de-aircong mall na manhid.
Naging bulag ang mamahalin
ngunit pundidong ilaw ng Meralco.
Naging bingi ang kalsadang
bayad na ng dayuhang pautang
sa mga yabag na paligid-ligid
bago ang pagdukot na kalkulado.

Subali't lilitaw din ang bakas
ng kinaroroonan ninyo
kahit pa maging animo'y undas
itong himlayan ng pangungulila.
Bawa't kandilang aming ititirik
ay tutuldok sa pagkasabik
na muling kakatok sa pinto
kayong matagal nang nawawala.


--Dennis Espada--
Lungsod ng Muntinlupa
Nobyembre 2007



lilitaw din ang bakas ng kinaroroonan nyo...


Todos Los Santos





Galing ang larawan sa blog ng May-akda:
http://panitikanatbp.wordpress.com/


huwag ninyong ipagdasal
naaagnas na bangkay

mga bungo't kalansay
nakalagak sa hukay.
ipagdasal ninyo'y
inyong mga sarili
pagkat kaluluwa'y tahimik
sa nitso'y walang damdam,
walang imik, walang pighati
subalit pag-igik ay maririnig
sa mundong ibabaw
na saklot ng lintik.


--Noel Sales Barcelona--

Lunes, Nobyembre 14, 2011

Ber Ti Go


alay sa mga katulad nina Ginang Gloria at Ginoong Andal Jr., at sa kasuklam-suklam na pagkakakulong kay Ericson Acosta


Nakasusulasok
sa tuwi-tuwina
itong mga
aswang,
kapre,
tikbalang,
multo,
at kung anu-ano pang
mga halimaw
na naglipana sa kaisipan
ng mga ikinagagalak
ang tangan na hilakbot
ng buwan ng ber.

Ngunit,
'di hamak namang
nakasusulasok

at

nakakikilabot
sa tuwi-tuwina
itong mga
multo,
tikbalang,
kapre,
aswang,
at kung anu-ano pang
mga halimaw
na dinaratnan ng tagtuyot
ng paglimot
sa kaisipan ng marami
tuwing sumasapit
ang buwan ng ber.


--Aris Remollino--

Linggo, Nobyembre 13, 2011

BER[MONTH]DUGO

Papasok na ang buwan ng Nobyembre, tulad ng pagpasok ng buwan ng Setyembre, hudyat ng simoy ng "BER." Ang buwan ng Ber ay simbolo ng paglapastangan sa Sining--ng ilang mga negosyante--sa Banal na Pamilya. Dumadagsa ang mga ilaw na patay-sindi, mga parol na kaakit-akit na tila mga babaeng sumasayaw. Hindi alam ang tunay na gamit at kung paano ginagamit ang simbolo ng Banal na Pamilya.

Halos walang ipinagkaiba ang buwan ng Nobyembre sa mga buwang may "BER." Ginugunita natin ang mga mahal nating pumanaw, at ang araw ng mga Santo, subalit nangangaladkad ang mga sining kababalaghan o katatakutan sa ating kapaligiran.

--Lenkurt Lopez--

Ped Xing 7th Feature: Occupy Movement



Nagkaroon kamakailan ng malawakang pagsasanib-puwersa ng iba’t ibang sektor ng bansa, maliliit na pangkat man o pang-nasyonal. Kahit iba-ibang sektor ang kanilang kinabibilangan iisa lamang ang kanilang sigaw. Sigaw na iba-iba man ang tono, lalim at lakas ngunit ang kabig nito sa kinauukulan ay tila pagbatok sa natutulog sa pansitan.
Dahil dito nakikisanib din ang mga makata ng Kilometer 64 Poetry Collective sa Occupy Movement upang maipakita ang pakikiisa ng pangkat sa layunin nilang gisingin ang mga natutulog at nagtutulog-tulugan sa ating pamahalaan.
Narito ang ilang tula ng mga makata ng nasabing pangkat na may iba’t ibang pagkakakinlanlan sa paglalarawan sa uri ng pagkilos na ito.

Basahin ang Mga Tula sa Pinoy Weekly

Ped Xing 6th Feature: Mga Tulang Parangal Para Kay Gregorio “Ka Roger” Rosal



Kamakailan lang napabalita sa dyaryo, radyo at telebisyon ang paglisan ni Gregorio “Ka Roger” Rosal, tagapagsalita ng CPP-NPA.
Naging isang malungkot na balita ito sa mga tagapasunod at tagapagpataguyod ng kanyang pakikibaka. Ngunit, tulad ng pagkawala ng isang dakilang imahe, ang kanyang pagkamatay ay hindi dahilan ng pagwakas at pagwasak ng kanyang paniniwala at paninindigan.
Simula pa lamang ito ng lahat.
Naririto ang mga tula mula sa mga makata ng KM 64 na nagpapahalaga sa ambag ni Ka Roger sa larangan ng pakikibaka sa Pilipinas.

Basahin ang Mga Tula sa Pinoy Weekly