Larawan ng may-akda, circa 2004. |
[*] bahagi ng “Paanong [insert pandiwa here] ang Isang Aris Remollino” series
(Disclaimer: Madaliang sulat lang ito. And written in the style of German V. Gervacio and MXV Ong, kaya palagay ko maraming maiinsulto sa sanaysay na ito. Ayus lang, dahil pogi naman silang pareho, at pogi rin ako kaya solb.)
(Backgrounder: una akong nagsalin ng mga tula para kay Axel Pinpin. Mga 2005-2006 o 2006-2007 ata yun. Naging bahagi ang mga salin kong Filipino-English—kasama ang mga salin ng utol na si Alex, nina @2lin.doy, Darwin Mariano, Emman Dumlao, at Gang Badoy—sa librong “Tugmaang Matatabil: Selected Poems In Translation [Southern Voices Printing Press]". Oo, yung poging Axel Pinpin na frontman ngayon ng The Axel Pinpin Propaganda Machine o TAPPM.)
Hindi na talaga ako makatiis. Ang kukulit niyong mga hinayupak kayo, haha. Ayoko nang maging editor na magpipilit sa inyo kung paano ninyo gagawin ang ganito’t ganyan. Kaya ibabahagi ko na lang sa inyo ang sarili kong karanasan. Tanong lang, may tiwala ba kayo sa aking karanasan? Kung wala, oks lang. Wala rin akong tiwala sa sarili kong karanasan, hahahaha!
Nakasalalay ang pagsasalin sa lawak ng bokabularyo ng tagasalin sa magkabilang wika. Kung gaano siyang maalam sa mga salita, gaano niyang na-internalize ang kahulugan ng mga salita, gaanong kalawak na pananaliksik ang ginawa niya sa kasaysayan ng mga salita, gaanong kalawak ang praktikal na karanasan niya sa parehong wika, gaanong karaming electrons ang nagtatalik sa kanyang utak, at gaanong ka-stable ang personality niya.
(Wait, anu raw? Gaanong ka-stable ang personality? Anu ‘to, psyche evaluation?!)
Sa maniwala kayo’t sa hindi (malamang hindi rin naman kayo maniniwala), nag-iiba ang ugali ng isang tao ‘pag nag-isip siya gamit ang isang wika. Nag-iiba ang personality natin kapag nag-iisip tayo sa Ingles, sa Filipino, o maski sa Taglish o Inglipino. Katakewt, ‘no?
Pero hindi naman ito thesis tungkol sa philology, at hindi ako isang namayapang propesor at fantasy writer na nakabase sa Oxford with initials J.R.R.T.
Tungkol ito sa pagsasalin. Specifically, sa sarili kong karanasan.
Marami sa mga baguhang nagsasalin, tinatangkang isalin ang isang akda word by word (ibang termino ‘to dahil hindi ko alam kung anu ba talaga ang ibig sabihin ng “word for word”). Hindi ko ito mairerekomenda dahil ito ang pinakabarubal (ekskyus may inglis) na pamamaraan ng pagsasalin. Pinahirapan niyo pa ang mga sarili niyo. Sana nag-Gugol Transleyt na lang kayo. :-P
Kung hanggang dun pa lang ang kaya niyo, oks pa rin. Matututo rin naman kayo basta’t patuloy kayong nagsasalin. Hindi pa naman nako-corrupt ng kung sinong National Artist with initials V.S.A na mahilig ipagsigawan ang pagiging National Artist niya in bold capital letters ang larangan ng pagsasalin sa Pilipinas. Hindi pa nabababad ang larangan sa Formalismong Filipinong Formalin at hindi pa pinamumugaran ng mga Kulturantadong Makatang Laway sa panulaan na tinutukoy ni Tomas F. Agulto sa kanyang librong “Komentularyos”.
Kung magsisimula man kayo sa word by word, kelangan niyong pasadahan ang salin ng ilang beses. Sa ikalawang pasada: clause by clause; sa ikatlong pasada: sentence by sentence; sa ikaapat na pasada: stanza by stanza.
Uy, napansin niyo yung sa ikaapat na pasada? Stanza by Stanza. Ganun karaniwang magsalin ang mga matatagal nang nagsasalin.
Paano ito gagawin?
Magbukas ng bagong note (text file o kung anuman). Basahin ang stanza. Isulat ang palagay niyong kahulugan o nais ipahiwatig ng stanza. Ulitin sa susunod na stanza. Kelangan at least 50 words ang naisulat niyong paliwanag sa tulang iyon. Kung keri, go for 500 words.
Mula riyan, simulan (o pasadahan muli) ang salin gamit ang nagawang note bilang basehan. Basahin nang ‘di kukulanging tatlong beses bago pasadahan o i-edit muli. Matapos mag-edit/pasada, basahin uli nang ‘di kukulanging tatlong beses bago i-edit/pasada muli. And so on hanggang sa maging kuntento na kayo sa kinalabasan.
Madali lang, ano? Hindi? Sori, ganun talaga. Kelangan talaga nating magsipag.
Gaano kayang katagal aabutin? Dipende. Ang minimum na inilalaan ko sa tula, 6 hours. Maximum ang 7 days. Kapag hindi ko pa rin nagagawang isalin nang maayos, give up na ako. Next year ko na babalikan malamang.
At bakit daw ako natatagalan? Kasi ang istilo ko ng pagsasalin e nasa gitna ng adaptation at literal translation. Bukod pa roon, hangarin ko ring maisalin ang boses ng orihinal na may-akda. Kumbaga, paano kaya isusulat ng may-akda yung tula kung natuto siyang magsulat sa wikang pinagsasalinan ko.
“Paano naman ang boses mo, kung gayon?” Malamang may magtatanong. Ayus lang sa akin yun. Hindi ako nagsasalin para magkaroon ng pangalan. Nagsasalin ako dahil nais kong maibahagi ang isang akda sa isang wika na pinananatili ang orihinal na hangarin at boses ng may-akda.
Para sa akin, ang pinakamahuhusay na mga tagasalin, mga ninja.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento