Laro sa tatlo ang Threesome, ikatlong self-published poetry book ni Mark Angeles. Maaaring sequel ito ng Patikim na koleksyon niya ng mga tulang isinalang ang usapin ng pag-ibig sa sari-saring kalan ng sentimentalismo, psychoanalysis, at Marxistang pananaw. Tatlu-tatlo. Koleksyon ito ng mga bagong tula niya sa Filipino, ng mga tula niya sa Ingles, at ng mga salin sa Filipino ng love poems ng mga banyagang makata. Bilang ekstensyon ng Patikim, nilaro niya ang wari ng mga mangingibig ngunit mas palaban na ngayon. At dahil marami na rin ang humihiling na ilathala na niya ang mga tula niya sa Ingles, isinama niya rito ang ilang piling tula. Ang ikatlong bahagi naman ay seksyon ng mga salin ng mga piling akda ng mga banyagang makata mulang Ingles. Isang proseso ang naging karanasan niya sa pagsasalin sa paghagilap ng mga tamang salita—ibinalita ito sa huling pahina ng aklat—lalo na’t ilan sa mga tulang napili ay mga salin din sa Ingles at may dalawa o higit pang bersyon (halimbawa, mga tula nina Pablo Neruda at C.V.Cavafy). Sa aklat na ito, may ilang ulit na nag-walkout, may paring hindi natiis ang kanyang libog, at may mangingibig mulang La Pobreza.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento