Huwebes, Agosto 2, 2012

Patuloy



Patuloy ang pagkatok
ng panawagan
sa aming bubungan
kaya hindi makatulog
lalo kung malamig ang hangin
at kapos ang kumot
na gabi-gabi'y namamaluktot;
ang init ng kape'y sapat na
kahit mapusyaw ang kulay
at walang ipinapangakong tamis
na mula sa asukal.

Patuloy ang pagbulong
ng paninindigan
habang nais na bumigay
ng kaluluwang uhaw
sa sasapat sanang pangangailangan
ngunit sadyang inadya
ng takbo ng panahon
ang pagkauhaw, ang pagkagutom
ang pagkasabik sa pagpihit
ng kinalalagyan
habang pandesal na walang palaman,
laman-laman ng sikmurang
sinikmura na nang matagal
ang sistemang dinaig
panis na pagkain sa dulang.

Patuloy ang pakikiusap
ng papagpapatas
na ihayag na agad nang maaga
para sa pangkalahatan
na parang isang mahabang mesa
ang nakahaing keso de bola
ay para sa lahat
ng may tangan ng walang palamang tinapay
tayo'y magsasaya, magdiriwang
sa mumunting handa
hindi man piyesta ang hapag
sapat na para makalmahin
ang kumakalam na sikmura.

Nagpapatuloy ang pagbulabog
habang patuloy ang pagtulog
ng lahat sa pagkakahubog
sa kanilang inaamag na gulugod.

Hindi-hindi hihinto
patuloy, pagkatok
pagbulong, pakikipag-usap
hanggang sa lahat ay tuluyan
nang makawala
sa patuloy na pagkabusabos.


--Emmanuel Halabaso--

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento