Miyerkules, Oktubre 5, 2011

Huwag N'yo Muna Akong Batiin ng "Happy World Teachers' Day"




*Entri sa "I Inspire the World" Poetry Contest noong 2010


Siguro’y talagang suplado lang ang Ser n’yo
O talagang me andropause na yata o wala lang modo
Subalit paumanhin kung hindi nagpasalamat sa inyong text
O isang hilaw na ngisi ang ibinayad sa inyong message

Nalimutan n’yo na yata ang leksyong inaral
Sa mga pakana ng mga Kapitalistang butakal
At pag-atake sa sentimentalismo’t emosyon
Sa pag-iimbento ng mga plastikang okasyon

Upang bundatin lamang ang kanilang kaban
Sa pagpapalitan nang bating walang laman
Tulad ng mga kabaro ni Damaso, Salvi at Fray Botod
Na nagmilagro ng mga Piyesta at pagpapagod

Upang busugin lamang ang sari-sariling tiyan
At kati ng mga daliri sa sugal at kalayawan
Gawing Santo ang Krus pati na ang Mesa
Upang maitahaya ang lechon, alak at serbesa

Huwag nating hayaang magbunyi ang Globe, Smart at Sun
Sa mga quotation at pagbating sila rin naman ang may kagagawan
Malalanta lang ang bulaklak n’yo sa aking mesa at ang kard ay di mabubuklat
Isisingit lang ‘yan sa bunton ng mga papel, memo, kung anik-anik at mga aklat

Huwag nyo muna akong batiin mga anak na aral ay itinalastas
Sa isang nagsunog ng bandila ng Kano sa ialalim ng overpass
Sa tapat ng Dakila raw nating ipinaghahambog na Pamantasan
Sampu naman ang naging parrot sa mga call centers ng dayuhan

Sa isang naging mayumi at magiliw na guro sa estudyante
Ilan sa inyo ang naging masahol pa sa T-Rex at tigre?
Sa isang nagsilbi sa tao, sa bayan at sa Panginoon
Ilan sa inyo ang namulaklak ang dila’t nag-asal-poon?

Huwag n’yo muna akong batiiin aking mga anak
Hindi pa ganap ang pagmamagaling at galak
Hindi pa ako kasinghusay ng gurong nais kong maging
Natitisod, pumapalpak, nawawala pa rin sa hulog at tayming

May mga pagkakataong kailangan kong hindi siputin ang ating klase
Dahil may tinatapos na tula, kuwento, kabanata ng nobela o pasakalye
O nakikipagtalo sa mga brusko sa egroup o facebook na bumubusal
Sa bibig ng mga api at inaapi ng Estado at ng Naghaharing uring barubal

Sa mga pagkakataong nahuhuli sa klase dahil kailangang makipagbrasuhan
Sa GSIS, Pag-ibig, Coop at kahit saang makapag-aagdong sa “kayamanan”
Ang titser man ay kumakain din, nagkakasakit at may sandamakmak na inaabutan
Nililigalig din kami ng nagririnyegong sikmura; katawa’t isipang hapo at kinabukasan

Sa mga pagkakataong nagkakamali ang bolpen at paghuhusga
Sa mga grado ninyong natatanggap na nabawasan o nadagdagan ba?
Ilang daan kayong papasadahan ng isip ang mga gawa at isinaysay?
Kung minsan, naginginig din ang aming mga isip at kamay

Sa mga situwasyong ako’y nagtatampo kapag may bakanteng bangko sa harap ko
At sa sobrang yamot ay tinatakan ng “absent,” ikaw, na kaya pala wala rito
Ay kailangang maghanap muna ng ikabubuhay ng sarili at pamilya
Sukdang magpaalila o mag-alok ng beer ang iyong mini at ngiting pinapilya

Sa mga sandaling hindi agad nababasa sa mata ang dinadalang problema
Sa mga pagkakataong minamahalaga ko pa ang ponema at morpema
At nababalewala ang tunog at salita ng naghuhumiyaw na palang puso at kaluluwa
Sa pagkakataong hindi agad nasusukat at naitutugma ang talinghaga ng iyong drama

Sa mga sandaling napupulaan ang ulat at nalilimutang ang agahan at pananghalian
Ay ibinili ng pentel pen , manila paper at naglakad na lamang papunta sa eskuwelahan
Sa mga oras na hindi ka kinausap kahit napansin nang luyloy ang kaluluwa’t balikat
Dahil kailangang siputin ang klase at ang Dekana ay nagtse-tsek ng atendans

Sa mga pagkakataong nananakaw ko ang inyong mga oras at lakad
Sa mga lalim ng gabing pinatatalsik na tayo sa klasrum ng guard
Sa mga pagkakataong mga multo na lamang at tayo ang naiiwan
Sa mga inulcer at napagbintangan pa ng erpat na nakipagdeyt lang

Sa mga pagkakataong lumalayo tayo sa tunay na paksa upang dalumatin
Ang napapanahon at napakahalagang usaping hindi lamang para sa atin
Sa pagdidikdik ng Katuwiran na ang Aral ay kailangang lumundo sa pag-ibig sa Bayan
Sa pagkilala ng Katarungan at Pag-ibig at Pasasalamat sa Lumikha ng tanan

Huwag nyo muna akong batiin aking mga anak
Hindi ko pa iyan masasalo ng ngiti at galak
Tabak pa ring tumatarak sa aking ulirat
Ang hindi pa ganap na aking pagganap

Subalit kung loloobin ng Diyos na bigyan ako ng mahaba pang buhay
Hanggang sipain ako ng Estado sa gulang na ako raw ay mahina na at wala nang saysay
Sa panahong doon pa lang sana magsisimulang diwa’t dunong ay tumining
Ng isip ko’t karunungang hindi ko pa ngayon ganap na naaangkin

Wala mang okasyon ay doon mo sana ako hanapin anak ko
Kung sa isang saglit ay magunita, habang ikaw ay nasa isang Palasyo
O isinadlak upang maging tagalampaso, basurero o tagabunot ng damo
Alalahaning nilinaw ko yan sa inyo, paulit-ulit hanggang makulitan kayo

Doon sa panahong haligi o ilaw na kayo
Sa panahong kayo na ang guro o higit pa rito
Alalahanin sanang nasaan man o ano kayo
Saan mang pugad kayo inilipad ng mga pangarap n’yo—

Nag-aaruga ba ng hindi n’yo anak sa Hong Kong?
Naging titser ba ng mga anak ng dating Vietcong?
O nakapag-asawa ng Shiek at zillion ang datung?
Sumikat bang couturier sa Paris ng saya’t barong?

Backhoe operator, technician o welder ba sa Qatar o Saudi?
Paupo-upo lang ba sa malamig na opisina sa Silicon Valley?
Tagahugas ba ng puwet ng dayuhang tigulang araw at gabi?
O astang-palos at kriminal o Sherlock Holmes sa pagti-TNT?

Saan man kayo inilipad ng inyong mga pangarap mga anak ko
Nilinaw ko sa inyo, nilinaw ko sa inyo ang pinakamahalaga sa tao
Nilinaw ko sa inyo, nilinaw ko sa inyo ang pinakamahalaga sa tao
Sana’y nalinaw ko sa inyo, nalinaw ko sa inyo, ang pinakamahalaga sa tao…

At sa isang saglit na iyon na maalala ninyo ako
Doon ninyo ako hanapin mga naging anak ko
Hindi upang batiin o bigyan ng rosas o kard
O isang karton ng Dr. P o astig na postcard

Tulad ng isa sa sampung pinagaling ng Dakilang Mestro na mga ketongin
Bumalik ka, bumalik ka sana at at ako ay hanapin, hindi upang batiin
Kahit walang tamis na salita, kahit isa lamang maligamgam na sulyap-tingin
Maaninaw ko man lang sa mga mata mo ang pasasalamat na katiting

Doon ko pa lamang marahil tatanggapin nang buong-buo
Na ako’y naging isang tunay at ganap mong naging guro
At may karapatan na si Ser, na magsisirko at magpakalango
Sa sentimentalismo at emosyon ng mga hikahos na dungo.


--German V. Gervacio--

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento