Napanood mo ba ang huling balita
Tungkol sa nasunog na dalawang bata?
Nalitson daw sila sa loob ng bahay,
Habang naroroon sa Canada’t Dubai
Ang kanilang mahal na mommy at daddy,
At kamag-anak lang ang puyát na saksi.
Sa pagsasalaysay sa mga reporter,
Ang puyát na saksi’y parang di pa gising,
Naningkit ang mata at saka ngumiti
Nang ang cameraman ay parang de-susi
Na biglang nag-rolling na kita ang background,
Para ang report daw nila ay pang-award.
Bakit kaya ganun tayong mga Pinoy,
Nasunugan pero may ngiti ang taghoy?
Kahit nasa gitna ng grabeng trahedya,
Kayang humagalpak ang lutόng ng tawa.
Pag labas sa TV ng mga damdamin,
Di parang kawayan na hapay sa hangin.
Kadugo at hindi o may kapansanan,
Pag nasa trahedya ay tinatawanan.
Iba kaya ito sa mga mahilig
Magbigay-tumanggap ng handog at cash gifts?
Parang kalakaran ng kung sinomang lord,
Dumugas ng bansag kay mamang Robinhood.
Bakit kaya ganun tayong mga Pinoy,
Dinugasan pero may ngiti ang taghoy?
Kahit nasa gitna ng grabeng trahedya,
Kayang humagalpak ang lutόng ng tawa.
Pag labas sa TV ng mga damdamin,
Di parang kawayan na hapay sa hangin.
--Abet Umil--
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento