Linggo, Oktubre 2, 2011

Sa Piling ng mga Banal




Habang nakaluhod
at nananalangin sa maykapal,
nakapikit sila,
sa ganoong paraan,
kaya hindi napansin
ang pagtulo ng aking pawis
mula noo hanggang sa may kili-kili
kasama ang iba pang tumatabas ng tubo
at naghahagis ng bagong binhi
sa Hacienda Luisita.

Hindi nila napapansin,
mga kalamnang nais nang bumigay
balat na nanuyot sa sikat ng araw
sadyang marami silang ginagawa,
nagdarasal, nananampalataya;
habang nakapikit sila,
hindi nga napapansin
nadidiligan ng aming pawis
ang malawak na lupain
sa Hacienda Luisita.

Siyam na piso at limampung sentimo
ang hindi gaano madama
sa kapal ng kalyo sa aking palad
sa lapot ng dugo sa aming sikmura
dahil di magkasya ang tira-tira
mula sa pinang-abuloy nila
sa isang simbahan malapit
sa Hacienda Luisita.

Humihingi ng basbas, madalas,
sapagkat hindi kuntento
sa lawak ng haciendang
kinamkam ng kanilang pamilya
kahit dugo na ang nagiging asukal
sa mga tubong aming tinatabas;
sila na ang pinagpala
sila ang langit
at kami ang lupa
ngunit sa kanila pa din ang lupa
sa Hacienda Luisita.
Naglulumuhod sila
sa harap ng altar
at kinakausap ang mga santo at santa,
walang sagot na nakukuha
parang sa mga hinaing
ng bawat isa sa amin-
ang bawat paghukay ng pala
ang bawat pagbiyak ng lupa
ang bawat pagtabas ng mga tubo
ang bawat pagbagsak ng kabyawan
wala silang pakialam
sapagkat susubo na sila ng ostiya
malinis na ang kanilang kunsensiya
wala nang natira sa kanilang kaluluwa
habang nananatili pa din ang lansa
sa madugong lupain
sa Hacienda Luisita.


--Emmanuel Halabaso--
2011, Setyembre 26

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento