Matapos kong mabasa ang librong Gerilya, maraming tanong ang namahay sa utak ko. Tanong na kailangang masagot upang hindi mahulog ang di-plastardong ideyolohiyang dumidikit sa isip ko. Hindi naman ako nabigo kahit alam kong hilaw pa ang aking pananaw, naintindihan ko ang kailangang intindihin. Tulad ng pasasalamat ng may-akda ng Gerilya sa mga magsasaka, abot-langit din ang pasasalamat ko sa kanila. Sila ang sumagot sa mga tanong na matagal nang nakagarahe sa isip ko. Dahil minsan nang sumagi sa isip ko kung ano ba ang mga adhikain at patutunguhan ng lihim na rebolusyon at lantarang pakikibaka, hindi ko alam kung tama ba ang aming ipinaglalaban.
Salamat sa mga magsasakang nakilala, nakausap, nakasama, nakainuman at nakapalitan ko ng pananaw habang tinutunaw ang andam at kaluluwa ng alak.
Hindi maitatago ang paghanga ko sa kanila, ang kalyuhing palad ang nagsisilbing sundang para maitawid ang buong sirkulasyon ng pagsubok--lulusong, maghahawan, aahon, lulusong, magtatanim, aahon at aani. Ngunit ang pag-ani ay hindi maaaring ihalintulad sa pagsibol ng mga namumukadkad na bulaklak--hindi, malabo at walang hustisya para sa karamihan ng magsasaka. Habang nag-iipon sila ng lakas at naghahanda para sa kinabukasan, ang pyudal na pamamahala ng mga panginoong maylupa ang tumitibag sa pangarap na kanilang ipinupundar.
Nagtataka ka ba kung bakit hanggang ngayon ay may kanin kang nakakain, may bigas kang nasasaing? Kung bakit may mga nakakain pa tayong produktong galing sa lupa? Maaaring hindi--o hindi mo alam--o wala sa iyong puwang ang mga katanungan. Pero kung ang mga katanungan ay sumisipa at sumusuntok sa ating isip, may maisasagot tayo, hindi man ito pormal o kongkreto, negatibo man ito o positibo, may kwenta man o wala. Ilang rehimen na ang nagdaan. Iisa lang ang hinaing ng mga nagtatanim. Iisa lang ang hiling: tunay na repormang agraryo.
Noon pa man, umaalingawngaw na ang mikropono; kumakaway at nakikipagkamay ang mga pulitiko, kasunod nito ang pagbaha ng pangako. Pangakong umaanod sa buong bayan, kahit mangusap na ang mga may ubo, nagkakautang pa ang kanilang mga apo.
Oo, hindi natin lahat pwedeng isisi sa lumipas--at kasalukuyan-- administrasyon ang lahat ng paghihirap, pero pwede nating ipagsigawan ang mga pangakong itinambak na lang tulad ng isang basahan. Darating ang bukas. Ang mga dahilan ay yuyuko at makikiusap--ang himig ng bakit ay mawawalan ng katanungan.
--Lenkurt Lopez--
* kurt, puna lang. mungkahi pala, mas magiging siksik yata ang pamagat kung sa halip na "Ano NA Nga Bang Petsa Na Sir?" e maging "Anong Petsa Na Nga Ba Sir?"
TumugonBurahin