Huwebes, Hunyo 14, 2012

(Rated PG) Pagsilip sa "Threesome" ni Mark Angeles




Laro sa tatlo ang Threesome, ikatlong self-published poetry book ni Mark Angeles. Maaaring sequel ito ng Patikim na koleksyon niya ng mga tulang isinalang ang usapin ng pag-ibig sa sari-saring kalan ng sentimentalismo, psychoanalysis, at Marxistang pananaw. Tatlu-tatlo. Koleksyon ito ng mga bagong tula niya sa Filipino, ng mga tula niya sa Ingles, at ng mga salin sa Filipino ng love poems ng mga banyagang makata. Bilang ekstensyon ng Patikim, nilaro niya ang wari ng mga mangingibig ngunit mas palaban na ngayon. At dahil marami na rin ang humihiling na ilathala na niya ang mga tula niya sa Ingles, isinama niya rito ang ilang piling tula. Ang ikatlong bahagi naman ay seksyon ng mga salin ng mga piling akda ng mga banyagang makata mulang Ingles. Isang proseso ang naging karanasan niya sa pagsasalin sa paghagilap ng mga tamang salita—ibinalita ito sa huling pahina ng aklat—lalo na’t ilan sa mga tulang napili ay mga salin din sa Ingles at may dalawa o higit pang bersyon (halimbawa, mga tula nina Pablo Neruda at C.V.Cavafy). Sa aklat na ito, may ilang ulit na nag-walkout, may paring hindi natiis ang kanyang libog, at may mangingibig mulang La Pobreza.

0612



We are all
born with
muskets
pointed
at our heads

And every move
is
orchestrated
by long-
sleeping
ghosts
within
those
damned
bills
stamped and inked
with the blood
of Samuel's
greed.

As such,
we are all
born

In despair
on the edge
empty
impoverished
and
virtually

In dependence.

2012, June 11


--Aris Remollino--

Miyerkules, Hunyo 13, 2012

Ang Kalayaan, Ayon Sa Textbook Na Hindi Ipinagbibili Dahil Pag-aari Ng Pamahalaan



Maaari bang
Huwag
nang ipagdiwang
Ang araw
Ng pagkakasanla
Ng ating bayan?
Sayang lang
Ang isang araw
Na sana'y merong pasok
Sa trabaho

Dahil

Ayaw kong makaligtaan
Ang pagdaan
Ng tatlong raan
At animnapu't limang araw
Na baka sakaling
Ideklara ang--
Tunay na
Karapatan
Habang ako'y
Tagaktak
Pawis
At kayod
Kabayo
Upang kumita
Ang aking dayuhang amo.

Kalayaan,
Kailan
Ka
Ba
Matutubos?


--Lenkurt Lopez--

(H)independence Day

unang naisulat noong june 12 2009
medyo inayos ngayong june 12 2012
http://otsopya.multiply.com/journal/item/688



Isang araw na marapat ipagluksa,
Hindi piyesta opisyal na ipagsasaya
Pagkat ngayon ang araw na kawawa,
Pilipino'y naisahan ng kanyang kapwa.

Sa pilak na dolyar hudas ay nagkasya,
Ibenta ang dangal at puri ni Pilipina.
Nagpauto't nakipagkuntsaba,
Pumayag na maging papet ng imperyalista.

Inagaw nila sa ating mga kamay
Ang tunay na tagumpay
Ng proletaryong makabayang nag-alay
Ng dugo, pawis, at buhay.

Daang libong taon man ang mapilas,
Tanikala ng krus at espada'y nakakalas
Subalit di natatapos ang ating pagpupumiglas,
Kilalanin, kaaway nating namamalas
Maging mapanuri't matalas

Pansinin, pangalan at anyo
Natatanging nagbabago
Hindi ang mga pagsasamantala at siphayo
Hindi ang mga pangaapi at pangaabuso
Hindi ang mga panguuto at panggagantso

Katotohanan ay itinatago
Ng sapin-saping balatkayo
Ikinukubli sa maraming termino
Ang tunay at totoo:

Sa leeg nati'y nananatiling nakakawit
Lubid ng imperyalismong malupit,
Hinahamig yaman ng bayang marikit
Sa pansariling interes ay magamit.

Binura nga ang base ng abusadong si Sam,
Ngunit VFA ay may parehas na tinuturan.
Nagbabago ang pangalan ngunit hindi ang ugnayan,
Nanatiling papet at tuta tayong,

Uupo-
Lulundag-
Sa kanilang gusto.

Kailan pa bang mga kahol aalingawngaw
Sa bukid ng mga bayaning binabangaw

Kailan pa ba ikaw babalikwas
Kailan pa ba ikaw magaaklas

Kapag binawi ka na din ng lupa
Kapag niyakap ka na din ng Bathala

Kapag multo mo na lang ang aming giya
Tagumpay ay aming matatamasa

(H)indipendence day ngayon,

Hindi
Kalayaang
Tunay
Na kasanga-sangayon,

Halina gunitain,
Binaluktot na kasaysayan
Nang matuto
Sa iniwang aral
Ng marahas na tunggalian.
Bukas, sa ating mga anak
Iugit nati'y pagwawasto,
Nang sa mga dumanak
Nating pawis at dugo

Anihin
Ang pagbabago.


--Pia Montalban--

Martes, Hunyo 12, 2012

06121898



Kung kailangan ng kausap
i-dial ang numero
sa magarbong iphone
na kakabili mo ngayon.

I-save agad sa memory
lagyan mo ng pangalan
pero i suggest, mas bagay
ang Sam.

Maraming siyang ipu-forward na joke
kapag siya ay kinilala
iyak-tawa ang hantungan
hanggang sa ika'y magmukhang tanga.

Ingat lang sa kakatawa, sa pagsasaya
baka mabitawan ang iphone na dala

mahal pa naman iyan, galing pang amerika.


--Emmanuel Halabaso--

Kung Nasaan ang Kalayaan sa mga Panahong Ito



Saang sulok ng bansa matatagpuan ngayon ang kalayaan?
Ngayong ang layang manalig ay laya lamang na maniwalang
ang buktot na pinuno'y talaga ng Diyos,
ngayong ang layang sumapi'y laya lamang na mapabilang
sa korong umaawit ng mga "Hosanna" sa magnanakaw ng trono,
ngayong ang layang mangusap ay laya lamang na purihin
ang mga diyus-diyosang nararapat na sumpain --
saang sulok ng bansa matatagpuan ang kalayaan?

Hindi ito matatagpuan saanman,
hindi ito matatagpuan saanman
kundi sa mga diwa't pusong nakatatalos at nagpapahalaga
sa kanyang kabanalan bilang karapatan ng lahat.
Siya'y kinakanlong ngayon ng mga diwa't pusong ito,
at siya'y kanilang ibubulwak sa lahat ng sulok ng bansa
kapag ang kanilang kabatiran at pag-ibig
ay naging iisang lakas ng angaw na kamao.


Marso 29, 2006

--Alexander Martin Remollino--

Kalayaan, Araw Ng. . .



nang iwagayway ni emil
ang brief niyang asul-puti-pula
na tinamuran ni tiyo samuel
                    nagsimulang
mabuntis ang ilusyong malaya
na sila
            malaya na sila

parang maya lang
na malayang mamulot
ng mumo
                 o bangus
na bunsol sa kamatis-sibuyas-paminta
na malayang
humilata sa baga
o si Pepe
              na malayang
mag-trenchcoat
kahit matindi ang sikat ng araw

kaya mula noon
okey lang mangutang
kahit iba ang papasan
                        ayos lang
maging pangulo
                nang wan tu sawa
ipalsak ang libo-libong sapatos
sa dadalawang paa

                 tumayong pangulo
kapalit ng banang itinumba

malayang sumubo ng tabako
nang walang baga
                             lumipad
paroo’t parito
kasama ng asawa

malayang magtrip
ang artista
                 na sandaling gumanap
                 na presidente

malayang mandaya sa eleksyon
basta magso-sorry lang
                  malayang tumakbo
nang paulit-ulit
                          malayang magnakaw
nang hindi nasasabit
                                  malayang
magpabandying-bandying
at ang porsche
at lovelife
                 ang asikasuhin

okey lang ibaon sa lupa ang magsasaka
okey lang yumari ng manggagawa
okey lang patahimikin ang aktibista
okey lang lamas-lamasin ang masa
okey lang kantutin ang lahat na

ang saya diba? ang saya!

oh haw ay lab my kantri,

da pilipins!

nakatutula ako
                  ng gusto ko

                  nang gusto ko

hindi ako kailangang maging
                                               mahusay
hindi ako kailangang
                                   matakot
na magkamali

   magkabale-balentong man
   mawalan man ng saysay at kahulugan
  kumorni man
  wuttever

:P
:P
:P

8%#$***_____**!Fkcu#%&

                        malaya ako
                        malaya sila
                        malaya kami
araw natin ito!
                        magsaya!
                        magsaya!
talo man si jessica
talo man ang boston
talo man si pacman

kahit ikaw lang ang nag-like sa shoutout mo
ikaw lang din ang nagshare sa sarili mo
at sa koment ay itinag mo pa rin ang pangalan mo

magdiwang!
magdiwang!
magdiwang!
                     kumakalam man
                     ang ating mga tiyan

dinadayukdok man
ang ating karapatan

                         klap klap klap!
                         Yahu yahu yahuuu!

kesehoda ang mga nega
deadmahin, inggitero't inggitera
i-unfriend ang troll
i-block ang sambakol

shumembot shembot!
pabulo-bulolot!

                     martes de santo
                     martes de santo
wagi tayo
sa pambansang ilusyong ito!


yeah, baby yeah
break it down...




12 HUnyo 2012 Iligan City
--German Villanueva Gervacio--

Lunes, Hunyo 11, 2012

Iliganon



Sa paanan ng bundok,
Kami'y nakahimlay.
Kaniig ang halik ng lumbay
Ng mga alon sa baybay.

Umiilig-ilig sa aming bayan--
Mga hinulugan at bukal,
Mga sugilanong supernatural:
Diwata, babaylan, pagano

Sa batayan ng mga relihiyoso
Depende sa kung saan panatiko,
Digmaan ng mga nagtatalong totoo
Sa sagutan ng mga bomba't punglo.

Sa paanan ng bundok,
Kuta kami ng mga kaibiga't kaaway,
Nakikita at kunyaring di nakikita.
Sa aming mga gubat, ilog at baybay:

Naisumpa ng mga patay,
Takda ng aming mga buhay.


--Pia Montalban--