unang naisulat noong june 12 2009
medyo inayos ngayong june 12 2012
http://otsopya.multiply.com/journal/item/688
Isang araw na marapat ipagluksa,
Hindi piyesta opisyal na ipagsasaya
Pagkat ngayon ang araw na kawawa,
Pilipino'y naisahan ng kanyang kapwa.
Sa pilak na dolyar hudas ay nagkasya,
Ibenta ang dangal at puri ni Pilipina.
Nagpauto't nakipagkuntsaba,
Pumayag na maging papet ng imperyalista.
Inagaw nila sa ating mga kamay
Ang tunay na tagumpay
Ng proletaryong makabayang nag-alay
Ng dugo, pawis, at buhay.
Daang libong taon man ang mapilas,
Tanikala ng krus at espada'y nakakalas
Subalit di natatapos ang ating pagpupumiglas,
Kilalanin, kaaway nating namamalas
Maging mapanuri't matalas
Pansinin, pangalan at anyo
Natatanging nagbabago
Hindi ang mga pagsasamantala at siphayo
Hindi ang mga pangaapi at pangaabuso
Hindi ang mga panguuto at panggagantso
Katotohanan ay itinatago
Ng sapin-saping balatkayo
Ikinukubli sa maraming termino
Ang tunay at totoo:
Sa leeg nati'y nananatiling nakakawit
Lubid ng imperyalismong malupit,
Hinahamig yaman ng bayang marikit
Sa pansariling interes ay magamit.
Binura nga ang base ng abusadong si Sam,
Ngunit VFA ay may parehas na tinuturan.
Nagbabago ang pangalan ngunit hindi ang ugnayan,
Nanatiling papet at tuta tayong,
Uupo-
Lulundag-
Sa kanilang gusto.
Kailan pa bang mga kahol aalingawngaw
Sa bukid ng mga bayaning binabangaw
Kailan pa ba ikaw babalikwas
Kailan pa ba ikaw magaaklas
Kapag binawi ka na din ng lupa
Kapag niyakap ka na din ng Bathala
Kapag multo mo na lang ang aming giya
Tagumpay ay aming matatamasa
(H)indipendence day ngayon,
Hindi
Kalayaang
Tunay
Na kasanga-sangayon,
Halina gunitain,
Binaluktot na kasaysayan
Nang matuto
Sa iniwang aral
Ng marahas na tunggalian.
Bukas, sa ating mga anak
Iugit nati'y pagwawasto,
Nang sa mga dumanak
Nating pawis at dugo
Anihin
Ang pagbabago.
--Pia Montalban--
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento