Martes, Hunyo 12, 2012

Kung Nasaan ang Kalayaan sa mga Panahong Ito



Saang sulok ng bansa matatagpuan ngayon ang kalayaan?
Ngayong ang layang manalig ay laya lamang na maniwalang
ang buktot na pinuno'y talaga ng Diyos,
ngayong ang layang sumapi'y laya lamang na mapabilang
sa korong umaawit ng mga "Hosanna" sa magnanakaw ng trono,
ngayong ang layang mangusap ay laya lamang na purihin
ang mga diyus-diyosang nararapat na sumpain --
saang sulok ng bansa matatagpuan ang kalayaan?

Hindi ito matatagpuan saanman,
hindi ito matatagpuan saanman
kundi sa mga diwa't pusong nakatatalos at nagpapahalaga
sa kanyang kabanalan bilang karapatan ng lahat.
Siya'y kinakanlong ngayon ng mga diwa't pusong ito,
at siya'y kanilang ibubulwak sa lahat ng sulok ng bansa
kapag ang kanilang kabatiran at pag-ibig
ay naging iisang lakas ng angaw na kamao.


Marso 29, 2006

--Alexander Martin Remollino--

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento