Biyernes, Oktubre 14, 2011

Ano Na Nga Bang Petsa Na Sir?

Matapos kong mabasa ang librong Gerilya, maraming tanong ang namahay sa utak ko. Tanong na kailangang masagot upang hindi mahulog ang di-plastardong ideyolohiyang dumidikit sa isip ko. Hindi naman ako nabigo kahit alam kong hilaw pa ang aking pananaw, naintindihan ko ang kailangang intindihin. Tulad ng pasasalamat ng may-akda ng Gerilya sa mga magsasaka, abot-langit din ang pasasalamat ko sa kanila. Sila ang sumagot sa mga tanong na matagal nang nakagarahe sa isip ko. Dahil minsan nang sumagi sa isip ko kung ano ba ang mga adhikain at patutunguhan ng lihim na rebolusyon at lantarang pakikibaka, hindi ko alam kung tama ba ang aming ipinaglalaban.

Salamat sa mga magsasakang nakilala, nakausap, nakasama, nakainuman at nakapalitan ko ng pananaw habang tinutunaw ang andam at kaluluwa ng alak.

Hindi maitatago ang paghanga ko sa kanila, ang kalyuhing palad ang nagsisilbing sundang para maitawid ang buong sirkulasyon ng pagsubok--lulusong, maghahawan, aahon, lulusong, magtatanim, aahon at aani. Ngunit ang pag-ani ay hindi maaaring ihalintulad sa pagsibol ng mga namumukadkad na bulaklak--hindi, malabo at walang hustisya para sa karamihan ng magsasaka. Habang nag-iipon sila ng lakas at naghahanda para sa kinabukasan, ang pyudal na pamamahala ng mga panginoong maylupa ang tumitibag sa pangarap na kanilang ipinupundar.

Nagtataka ka ba kung bakit hanggang ngayon ay may kanin kang nakakain, may bigas kang nasasaing? Kung bakit may mga nakakain pa tayong produktong galing sa lupa? Maaaring hindi--o hindi mo alam--o wala sa iyong puwang ang mga katanungan. Pero kung ang mga katanungan ay sumisipa at sumusuntok sa ating isip, may maisasagot tayo, hindi man ito pormal o kongkreto, negatibo man ito o positibo, may kwenta man o wala. Ilang rehimen na ang nagdaan. Iisa lang ang hinaing ng mga nagtatanim. Iisa lang ang hiling: tunay na repormang agraryo.

Noon pa man, umaalingawngaw na ang mikropono; kumakaway at nakikipagkamay ang mga pulitiko, kasunod nito ang pagbaha ng pangako. Pangakong umaanod sa buong bayan, kahit mangusap na ang mga may ubo, nagkakautang pa ang kanilang mga apo.

Oo, hindi natin lahat pwedeng isisi sa lumipas--at kasalukuyan-- administrasyon ang lahat ng paghihirap, pero pwede nating ipagsigawan ang mga pangakong itinambak na lang tulad ng isang basahan. Darating ang bukas. Ang mga dahilan ay yuyuko at makikiusap--ang himig ng bakit ay mawawalan ng katanungan.

--Lenkurt Lopez--


Miyerkules, Oktubre 12, 2011

Rosal by Lucius Avinante and Carlos dela Cruz



Ang rosas ng pakikibaka ay hindi lamang inaalay sa isa. Ito ay para sa lahat.

Basahin ang mga tula sa Rizal News Online

Ped Xing 5th Feature, Parangal sa Mga Bayaning Magbubukid



Ang laban para sa tunay na reporma sa lupa ay isang masalimuot na pakikibaka. Pinagbuwisan na ito ng maraming buhay.
Tampok sa Ped Xing ngayong ikalawang linggo ng Oktubre ang pagpaparangal sa ilang bayaning magbubukid. Narito ang tula para kay ka Pedring Laza, isang lider magbubukid sa Hacienda Luisita at ama ng isa sa mga napaslang sa nangyaring masaker noong Nobyembre 2004. Narito rin ang tula para kay Rogelio “ka Mamay” Galit, tagapagsalita ng Kalipunan ng mga Magsasaka sa Kabite, na kahit pumanaw na ay nagawa pa ring isama sa mga kinasuhan ng gobyernong Cojuangco Aquino. Tulad ni Apo Laza, karamdaman din ang kumitil sa kanyang buhay.
Brutal namang napaslang si Fermin Lorico, lider magsasakang kasapi ng Kahugpongan Alang sa Ugma sa Gagmay’ng Mag-uuma sa Oriental Negros (Kaugmaon) at isang masugid na tagapagsulong ng Genuine Agrarian Reform Bill. Matapos dumalo sa isang anti-Charter Change rally noong June 10, 2009 ay binaril ng ilang beses na dagli niyang ikinasawi.
Magsisilbing inspirasyon at hamon ang kanilang buhay upang igiit ang kawastuhan na maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Ang tunay na nagmamay-ari nito.

Basahin ang mga tula sa Pinoy Weekly

Biyernes, Oktubre 7, 2011

Awit Kay Steve Jobs ni Richard R. Gappi (with English Translation by Aris Remollino)


Si Steve Jobs ay kinikilala bilang co-founder, chairman, at CEO ng Apple Inc. Kabilang din siya noon sa Board of Directors ng Walt Disney Company noong 2006, matapos itong mabili ng Pixar Animation Studios--kung saan siya nagsilbing Chief Executive.

Sa pamumuno rin ni Jobs umangat ang kasikatan ng Apple Inc. Sa pamumunong iyon ipinanganak ang mga produkto tulad ng iPod at iTunes, iPhone, at iPad, na pumatok sa panlasa ng mga tagasubaybay ng makabagong teknolohiya.

Pumanaw si Steve Jobs noong ika-5 ng Oktubre, 2011. Iniwan niya ang kanyang asawang si Laurene, at apat na anak.

Kayraming mga taong tinatanaw si Steve bilang inspirasyon. Kabilang na rito ang inyong lingkod at ang kamakatang taga-Angono, Rizal na si Richard R. Gappi. Nagsanib-pwersa kami--makata at tagasalin--upang pagpugayan ang alaala ni Steve, pati na rin ang kaniyang mga naging ambag sa pagpapaunlad ng konsepto ng--at pagpapalawak ng ating pananaw sa--sining ng teknolohiya.

Basahin ang tula sa Rizal News Online

Huwebes, Oktubre 6, 2011

Ped Xing 4th Feature, Mga Tula ng KM64 Ukol sa Irrigation Budget ng DA: P5.10 Lamang sa Bawat Ektarya



Hindi matanto ng mga kasapi ng Kilometer 64 Poetry Collective kung anong uri ng pag-iisip ang pinairal ng Department of Agrarian Reform sa kanilang paglalaan ng limang piso’t sampung sentimo sa bawat ektarya ng lupang pagtataniman ng mais. Ano nga kayang uri ng repormang agraryo ang nais ipalaganap ng D.A. sa ating bansa? May saysay nga kaya ang nilaang pondong ito ng D.A.? Pakinggan natin ang opinion ng mga suking makata mula sa KM64.


Basahin ang mga tula sa Pinoy Weekly

Miyerkules, Oktubre 5, 2011

Huwag N'yo Muna Akong Batiin ng "Happy World Teachers' Day"




*Entri sa "I Inspire the World" Poetry Contest noong 2010


Siguro’y talagang suplado lang ang Ser n’yo
O talagang me andropause na yata o wala lang modo
Subalit paumanhin kung hindi nagpasalamat sa inyong text
O isang hilaw na ngisi ang ibinayad sa inyong message

Nalimutan n’yo na yata ang leksyong inaral
Sa mga pakana ng mga Kapitalistang butakal
At pag-atake sa sentimentalismo’t emosyon
Sa pag-iimbento ng mga plastikang okasyon

Upang bundatin lamang ang kanilang kaban
Sa pagpapalitan nang bating walang laman
Tulad ng mga kabaro ni Damaso, Salvi at Fray Botod
Na nagmilagro ng mga Piyesta at pagpapagod

Upang busugin lamang ang sari-sariling tiyan
At kati ng mga daliri sa sugal at kalayawan
Gawing Santo ang Krus pati na ang Mesa
Upang maitahaya ang lechon, alak at serbesa

Huwag nating hayaang magbunyi ang Globe, Smart at Sun
Sa mga quotation at pagbating sila rin naman ang may kagagawan
Malalanta lang ang bulaklak n’yo sa aking mesa at ang kard ay di mabubuklat
Isisingit lang ‘yan sa bunton ng mga papel, memo, kung anik-anik at mga aklat

Huwag nyo muna akong batiin mga anak na aral ay itinalastas
Sa isang nagsunog ng bandila ng Kano sa ialalim ng overpass
Sa tapat ng Dakila raw nating ipinaghahambog na Pamantasan
Sampu naman ang naging parrot sa mga call centers ng dayuhan

Sa isang naging mayumi at magiliw na guro sa estudyante
Ilan sa inyo ang naging masahol pa sa T-Rex at tigre?
Sa isang nagsilbi sa tao, sa bayan at sa Panginoon
Ilan sa inyo ang namulaklak ang dila’t nag-asal-poon?

Huwag n’yo muna akong batiiin aking mga anak
Hindi pa ganap ang pagmamagaling at galak
Hindi pa ako kasinghusay ng gurong nais kong maging
Natitisod, pumapalpak, nawawala pa rin sa hulog at tayming

May mga pagkakataong kailangan kong hindi siputin ang ating klase
Dahil may tinatapos na tula, kuwento, kabanata ng nobela o pasakalye
O nakikipagtalo sa mga brusko sa egroup o facebook na bumubusal
Sa bibig ng mga api at inaapi ng Estado at ng Naghaharing uring barubal

Sa mga pagkakataong nahuhuli sa klase dahil kailangang makipagbrasuhan
Sa GSIS, Pag-ibig, Coop at kahit saang makapag-aagdong sa “kayamanan”
Ang titser man ay kumakain din, nagkakasakit at may sandamakmak na inaabutan
Nililigalig din kami ng nagririnyegong sikmura; katawa’t isipang hapo at kinabukasan

Sa mga pagkakataong nagkakamali ang bolpen at paghuhusga
Sa mga grado ninyong natatanggap na nabawasan o nadagdagan ba?
Ilang daan kayong papasadahan ng isip ang mga gawa at isinaysay?
Kung minsan, naginginig din ang aming mga isip at kamay

Sa mga situwasyong ako’y nagtatampo kapag may bakanteng bangko sa harap ko
At sa sobrang yamot ay tinatakan ng “absent,” ikaw, na kaya pala wala rito
Ay kailangang maghanap muna ng ikabubuhay ng sarili at pamilya
Sukdang magpaalila o mag-alok ng beer ang iyong mini at ngiting pinapilya

Sa mga sandaling hindi agad nababasa sa mata ang dinadalang problema
Sa mga pagkakataong minamahalaga ko pa ang ponema at morpema
At nababalewala ang tunog at salita ng naghuhumiyaw na palang puso at kaluluwa
Sa pagkakataong hindi agad nasusukat at naitutugma ang talinghaga ng iyong drama

Sa mga sandaling napupulaan ang ulat at nalilimutang ang agahan at pananghalian
Ay ibinili ng pentel pen , manila paper at naglakad na lamang papunta sa eskuwelahan
Sa mga oras na hindi ka kinausap kahit napansin nang luyloy ang kaluluwa’t balikat
Dahil kailangang siputin ang klase at ang Dekana ay nagtse-tsek ng atendans

Sa mga pagkakataong nananakaw ko ang inyong mga oras at lakad
Sa mga lalim ng gabing pinatatalsik na tayo sa klasrum ng guard
Sa mga pagkakataong mga multo na lamang at tayo ang naiiwan
Sa mga inulcer at napagbintangan pa ng erpat na nakipagdeyt lang

Sa mga pagkakataong lumalayo tayo sa tunay na paksa upang dalumatin
Ang napapanahon at napakahalagang usaping hindi lamang para sa atin
Sa pagdidikdik ng Katuwiran na ang Aral ay kailangang lumundo sa pag-ibig sa Bayan
Sa pagkilala ng Katarungan at Pag-ibig at Pasasalamat sa Lumikha ng tanan

Huwag nyo muna akong batiin aking mga anak
Hindi ko pa iyan masasalo ng ngiti at galak
Tabak pa ring tumatarak sa aking ulirat
Ang hindi pa ganap na aking pagganap

Subalit kung loloobin ng Diyos na bigyan ako ng mahaba pang buhay
Hanggang sipain ako ng Estado sa gulang na ako raw ay mahina na at wala nang saysay
Sa panahong doon pa lang sana magsisimulang diwa’t dunong ay tumining
Ng isip ko’t karunungang hindi ko pa ngayon ganap na naaangkin

Wala mang okasyon ay doon mo sana ako hanapin anak ko
Kung sa isang saglit ay magunita, habang ikaw ay nasa isang Palasyo
O isinadlak upang maging tagalampaso, basurero o tagabunot ng damo
Alalahaning nilinaw ko yan sa inyo, paulit-ulit hanggang makulitan kayo

Doon sa panahong haligi o ilaw na kayo
Sa panahong kayo na ang guro o higit pa rito
Alalahanin sanang nasaan man o ano kayo
Saan mang pugad kayo inilipad ng mga pangarap n’yo—

Nag-aaruga ba ng hindi n’yo anak sa Hong Kong?
Naging titser ba ng mga anak ng dating Vietcong?
O nakapag-asawa ng Shiek at zillion ang datung?
Sumikat bang couturier sa Paris ng saya’t barong?

Backhoe operator, technician o welder ba sa Qatar o Saudi?
Paupo-upo lang ba sa malamig na opisina sa Silicon Valley?
Tagahugas ba ng puwet ng dayuhang tigulang araw at gabi?
O astang-palos at kriminal o Sherlock Holmes sa pagti-TNT?

Saan man kayo inilipad ng inyong mga pangarap mga anak ko
Nilinaw ko sa inyo, nilinaw ko sa inyo ang pinakamahalaga sa tao
Nilinaw ko sa inyo, nilinaw ko sa inyo ang pinakamahalaga sa tao
Sana’y nalinaw ko sa inyo, nalinaw ko sa inyo, ang pinakamahalaga sa tao…

At sa isang saglit na iyon na maalala ninyo ako
Doon ninyo ako hanapin mga naging anak ko
Hindi upang batiin o bigyan ng rosas o kard
O isang karton ng Dr. P o astig na postcard

Tulad ng isa sa sampung pinagaling ng Dakilang Mestro na mga ketongin
Bumalik ka, bumalik ka sana at at ako ay hanapin, hindi upang batiin
Kahit walang tamis na salita, kahit isa lamang maligamgam na sulyap-tingin
Maaninaw ko man lang sa mga mata mo ang pasasalamat na katiting

Doon ko pa lamang marahil tatanggapin nang buong-buo
Na ako’y naging isang tunay at ganap mong naging guro
At may karapatan na si Ser, na magsisirko at magpakalango
Sa sentimentalismo at emosyon ng mga hikahos na dungo.


--German V. Gervacio--

Martes, Oktubre 4, 2011

KM64 Ika-Anim na Chapbook: Kabyawan (Download)

KABYAWAN
Mga Tula Para sa mga Manggagawa ng Hacienda Luisita

Ika-anim na Chapbook ng KILOMETER64 Poetry Collective
Enero 2004





Tampok ang mga Tula nina:

Santiago Villafania | spin | Jonar Sabillano | Kristian Cordero |
Mark Funcion | Mark Angeles | Alexander Martin Remollino |
Noel Sales Barcelona | Maryjane Alejo | Rustum Gil Casia |
Jeremy Evardone | Prex Calvario | Medel Mercado |
Usman Abdurajak Sali | Isidro Binangonan | Ronalyn Olea |
Ramsel Roy Monsobre | Sadirmata | Gelacio Guillermo |
Danilo Hernandez Ramos | Kristoffer Berse

Free Download (Mediafire)


****

Mahigit dalawampung taon na ang nakalilipas mula nang unang isabisa ang Stock Distribution Option (SDO) sa Hacienda Luisita, ngunit wari'y wala namang naibigay na kapangyarihan ito sa mga magsasaka ng HL, na tumutayong mga stockholder ng lupain. Marahil ito rin ang nagsilbing mitsa ng aklasang isinagawa ng mga mamamayang saklaw ng Hacienda--na nauwi sa karahasan noong ika-16 ng Nobyembre, 2004. Nasaan sina Ginang Cory (SLN), Noynoy, Kris--pati na rin ang iba pang mga Cojuanco't Aquino--noong panahong iyon? Sino ang tunay na salarin sa masaker na naganap? Kayraming katanungan na hindi pa rin natutugunan hanggang ngayon. 

Samantala, tingnan natin ang mga pananaw ng mga kasapi ng Kilometer 64 Poetry Collective sa chapbook na ito. Basahin, pag-isipan, kilatisin, pag-aralan, saliksikin, ikalat, damdamin, pag-usapan.

Linggo, Oktubre 2, 2011

Ngiti

Napanood mo ba ang huling balita
Tungkol sa nasunog na dalawang bata?
Nalitson daw sila sa loob ng bahay,
Habang naroroon sa Canada’t Dubai
Ang kanilang mahal na mommy at daddy,
At kamag-anak lang ang puyƔt na saksi.

Sa pagsasalaysay sa mga reporter,
Ang puyĆ”t na saksi’y parang di pa gising,
Naningkit ang mata at saka ngumiti
Nang ang cameraman ay parang de-susi
Na biglang nag-rolling na kita ang background,
Para ang report daw nila ay pang-award.

Bakit kaya ganun tayong mga Pinoy,
Nasunugan pero may ngiti ang taghoy?
Kahit nasa gitna ng grabeng trahedya,
Kayang humagalpak ang lutĻŒng ng tawa.
Pag labas sa TV ng mga damdamin,
Di parang kawayan na hapay sa hangin.

Kadugo at hindi o may kapansanan,
Pag nasa trahedya ay tinatawanan.
Iba kaya ito sa mga mahilig
Magbigay-tumanggap ng handog at cash gifts?
Parang kalakaran ng kung sinomang lord,
Dumugas ng bansag kay mamang Robinhood.

Bakit kaya ganun tayong mga Pinoy,
Dinugasan pero may ngiti ang taghoy?
Kahit nasa gitna ng grabeng trahedya,
Kayang humagalpak ang lutĻŒng ng tawa.
Pag labas sa TV ng mga damdamin,
Di parang kawayan na hapay sa hangin.


--Abet Umil--

Maalam Maghintay ang mga Magsasaka




BUWAN NG WIKA
31-day tula challenge ni German Gervacio
Day 2.


Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang isang butil ng bigas
Ay mula sa isang butil ng binhi ng palay
Na bago pa man maitundos sa lupa
May paghahandang dapat na maisagawa

Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang kailangang palipasin
Ang ilang araw at linggong magdamag
Bago simulan bawat umaga ng pag-aararo
Bawat umaga ng pagpapalambot sa lupa

Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang pagkatapos ng pagpupunla
Ay mahabang takipsilim ng pag-aabang
At pagdidilig. Hindi lamang ng tubig,
Kundi pati pawis at dugo, higit na pag-ibig

Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang may panahon ng paghahasa
Ng mga gulok, sundang at karit
May panahon ng paghahawan
May panahon ng paggapas at pag-aani

Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang may aangkin ng lupang kanila
Batid nilang may panahon ng paniningil
May panahon ng pag-ani ng karapatan
May panahon ng pagkapatas

Maalam maghintay ang mga magsasaka
At hindi sila nahihimbing sa kanilang paghihintay
Mababaw ang tulog, tiyak nila ang oras ng paggising
Ang oras ng pagtindig
Ang oras ng paghawak ng kanilang mga karit.


--Pia Montalban--
2011, Agosto 2

Hindi Nalumpo ang Iyong Paninindigan


(sa alaala ni Rogelio "Ka Mamay" Galit, lider-magsasaka sa Cavite, 1957-2010)


Sa iyong mga huling araw,
tila ka iginapos sa luklukang may gulong.
Gayunman,
hindi nalumpo ang iyong paninindigan --
bagkus, nanatiling kasintatag
ng mga katawang "nagpapala
sa mga pinitak"
upang dugtungan ang hininga
ng buong daigdig.


--Alexander Martin Carteciano Remollino--
2010, Hunyo 11

Sa Piling ng mga Banal




Habang nakaluhod
at nananalangin sa maykapal,
nakapikit sila,
sa ganoong paraan,
kaya hindi napansin
ang pagtulo ng aking pawis
mula noo hanggang sa may kili-kili
kasama ang iba pang tumatabas ng tubo
at naghahagis ng bagong binhi
sa Hacienda Luisita.

Hindi nila napapansin,
mga kalamnang nais nang bumigay
balat na nanuyot sa sikat ng araw
sadyang marami silang ginagawa,
nagdarasal, nananampalataya;
habang nakapikit sila,
hindi nga napapansin
nadidiligan ng aming pawis
ang malawak na lupain
sa Hacienda Luisita.

Siyam na piso at limampung sentimo
ang hindi gaano madama
sa kapal ng kalyo sa aking palad
sa lapot ng dugo sa aming sikmura
dahil di magkasya ang tira-tira
mula sa pinang-abuloy nila
sa isang simbahan malapit
sa Hacienda Luisita.

Humihingi ng basbas, madalas,
sapagkat hindi kuntento
sa lawak ng haciendang
kinamkam ng kanilang pamilya
kahit dugo na ang nagiging asukal
sa mga tubong aming tinatabas;
sila na ang pinagpala
sila ang langit
at kami ang lupa
ngunit sa kanila pa din ang lupa
sa Hacienda Luisita.
Naglulumuhod sila
sa harap ng altar
at kinakausap ang mga santo at santa,
walang sagot na nakukuha
parang sa mga hinaing
ng bawat isa sa amin-
ang bawat paghukay ng pala
ang bawat pagbiyak ng lupa
ang bawat pagtabas ng mga tubo
ang bawat pagbagsak ng kabyawan
wala silang pakialam
sapagkat susubo na sila ng ostiya
malinis na ang kanilang kunsensiya
wala nang natira sa kanilang kaluluwa
habang nananatili pa din ang lansa
sa madugong lupain
sa Hacienda Luisita.


--Emmanuel Halabaso--
2011, Setyembre 26

High Five para kay Labang


Hindi madali ang buhay sa palayan,
hindi bale nang magkanda kuba,
magkaroon lang ng kinabukakasan.

Hindi 'tinatae ang hapag kainan.

Nagmamakaawa ako,
'wag sana ako maging tigang,
upang hindi isigang ang aking kaibigan.



--Noel Vinoya Gomez--
2011, Oktubre 02

Sining sa Panahon ng mga Pisante

Peasant month ngayong Octubre, kaya mainam na itampok ang mga sining na may kinalaman sa paksang ito. Hindi dapat baliwalain ninuman ang mga pisante, o magsasaka, sapagkat sila ang nagtatanim at nag-aani ng ating mga ihahanda sa ating hapag-kainan. Kung wala ang mga pisante, wala tayong bigas, tinapay, milo/ovaltine, kape, saging, mansanas, patatas, kamote, pechay, repolyo, kalabasa, ampalaya, maski herbal remedies tulad ng Ascof, My Marvel Taheebo, o Charantia. Ang Tunay na Tao ay pinahahalagahan ang bawat butil ng pawis ng mga magsasakang piniling mabuhay na pinagsisilbihan ang bawat isa sa atin. Hindi naman tayo mga DTNT tulad ng mga asendero't panginoong maylupang isnabero't gahaman, 'di ba? Kaya, tara na, mga kapwa TNT! Lumikha ng makabuluhang sining para sa ating mga kapatid na magsasaka!