Huwebes, Agosto 2, 2012

Papkorn Itong Tula



buwan ng wika
unang araw
08-01-12

sa muling pagharap sa papel
nitong utak na umaapela
na meron pang maaaring
mahugot at maiulat na tula:
umaayaw na ang pluma
sa papel na napakaraming bura.
datapwat marubdob na itutuloy
kahit papkorn ang kalalabasan-
nitong tula
na huhusgahan ng mga nasa akademya.
napakabilis lutuin, umaalsa ngunit walang sustansya
pagbabawalang ihain upang hindi na kumalat:
tinatawag nilang epidemya

masining pa
sa namumukadkad na bulaklak
dahil bawat taludtod, may tugma't sukat
ngunit, hindi nakasusugat.

matapos man ito o hindi:
papkorn nga itong tula
kung hindi iaalay
at walang pag-aalayan
ng kalayaan.


--Lenkurt Lopez--

Patuloy



Patuloy ang pagkatok
ng panawagan
sa aming bubungan
kaya hindi makatulog
lalo kung malamig ang hangin
at kapos ang kumot
na gabi-gabi'y namamaluktot;
ang init ng kape'y sapat na
kahit mapusyaw ang kulay
at walang ipinapangakong tamis
na mula sa asukal.

Patuloy ang pagbulong
ng paninindigan
habang nais na bumigay
ng kaluluwang uhaw
sa sasapat sanang pangangailangan
ngunit sadyang inadya
ng takbo ng panahon
ang pagkauhaw, ang pagkagutom
ang pagkasabik sa pagpihit
ng kinalalagyan
habang pandesal na walang palaman,
laman-laman ng sikmurang
sinikmura na nang matagal
ang sistemang dinaig
panis na pagkain sa dulang.

Patuloy ang pakikiusap
ng papagpapatas
na ihayag na agad nang maaga
para sa pangkalahatan
na parang isang mahabang mesa
ang nakahaing keso de bola
ay para sa lahat
ng may tangan ng walang palamang tinapay
tayo'y magsasaya, magdiriwang
sa mumunting handa
hindi man piyesta ang hapag
sapat na para makalmahin
ang kumakalam na sikmura.

Nagpapatuloy ang pagbulabog
habang patuloy ang pagtulog
ng lahat sa pagkakahubog
sa kanilang inaamag na gulugod.

Hindi-hindi hihinto
patuloy, pagkatok
pagbulong, pakikipag-usap
hanggang sa lahat ay tuluyan
nang makawala
sa patuloy na pagkabusabos.


--Emmanuel Halabaso--

Linggo, Hulyo 29, 2012

Paanong Magsalin ang Isang Aris Remollino*

Larawan ng may-akda, circa 2004.


[*] bahagi ng “Paanong [insert pandiwa here] ang Isang Aris Remollino” series

(Disclaimer: Madaliang sulat lang ito. And written in the style of German V. Gervacio and MXV Ong, kaya palagay ko maraming maiinsulto sa sanaysay na ito. Ayus lang, dahil pogi naman silang pareho, at pogi rin ako kaya solb.)

(Backgrounder: una akong nagsalin ng mga tula para kay Axel Pinpin. Mga 2005-2006 o 2006-2007 ata yun. Naging bahagi ang mga salin kong Filipino-English—kasama ang mga salin ng utol na si Alex, nina @2lin.doy, Darwin Mariano, Emman Dumlao, at Gang Badoy—sa librong “Tugmaang Matatabil: Selected Poems In Translation [Southern Voices Printing Press]". Oo, yung poging Axel Pinpin na frontman ngayon ng The Axel Pinpin Propaganda Machine o TAPPM.)


Hindi na talaga ako makatiis. Ang kukulit niyong mga hinayupak kayo, haha. Ayoko nang maging editor na magpipilit sa inyo kung paano ninyo gagawin ang ganito’t ganyan. Kaya ibabahagi ko na lang sa inyo ang sarili kong karanasan. Tanong lang, may tiwala ba kayo sa aking karanasan? Kung wala, oks lang. Wala rin akong tiwala sa sarili kong karanasan, hahahaha!

Nakasalalay ang pagsasalin sa lawak ng bokabularyo ng tagasalin sa magkabilang wika. Kung gaano siyang maalam sa mga salita, gaano niyang na-internalize ang kahulugan ng mga salita, gaanong kalawak na pananaliksik ang ginawa niya sa kasaysayan ng mga salita, gaanong kalawak ang praktikal na karanasan niya sa parehong wika, gaanong karaming electrons ang nagtatalik sa kanyang utak, at gaanong ka-stable ang personality niya.

(Wait, anu raw? Gaanong ka-stable ang personality? Anu ‘to, psyche evaluation?!)

Sa maniwala kayo’t sa hindi (malamang hindi rin naman kayo maniniwala), nag-iiba ang ugali ng isang tao ‘pag nag-isip siya gamit ang isang wika. Nag-iiba ang personality natin kapag nag-iisip tayo sa Ingles, sa Filipino, o maski sa Taglish o Inglipino. Katakewt, ‘no?

Pero hindi naman ito thesis tungkol sa philology, at hindi ako isang namayapang propesor at fantasy writer na nakabase sa Oxford with initials J.R.R.T.

Tungkol ito sa pagsasalin. Specifically, sa sarili kong karanasan.

Marami sa mga baguhang nagsasalin, tinatangkang isalin ang isang akda word by word (ibang termino ‘to dahil hindi ko alam kung anu ba talaga ang ibig sabihin ng “word for word”). Hindi ko ito mairerekomenda dahil ito ang pinakabarubal (ekskyus may inglis) na pamamaraan ng pagsasalin. Pinahirapan niyo pa ang mga sarili niyo. Sana nag-Gugol Transleyt na lang kayo. :-P

Kung hanggang dun pa lang ang kaya niyo, oks pa rin. Matututo rin naman kayo basta’t patuloy kayong nagsasalin. Hindi pa naman nako-corrupt ng kung sinong National Artist with initials V.S.A na mahilig ipagsigawan ang pagiging National Artist niya in bold capital letters ang larangan ng pagsasalin sa Pilipinas. Hindi pa nabababad ang larangan sa Formalismong Filipinong Formalin at hindi pa pinamumugaran ng mga Kulturantadong Makatang Laway sa panulaan na tinutukoy ni Tomas F. Agulto sa kanyang librong “Komentularyos”.

Kung magsisimula man kayo sa word by word, kelangan niyong pasadahan ang salin ng ilang beses. Sa ikalawang pasada: clause by clause; sa ikatlong pasada: sentence by sentence; sa ikaapat na pasada: stanza by stanza.

Uy, napansin niyo yung sa ikaapat na pasada? Stanza by Stanza. Ganun karaniwang magsalin ang mga matatagal nang nagsasalin.

Paano ito gagawin?

Magbukas ng bagong note (text file o kung anuman). Basahin ang stanza. Isulat ang palagay niyong kahulugan o nais ipahiwatig ng stanza. Ulitin sa susunod na stanza. Kelangan at least 50 words ang naisulat niyong paliwanag sa tulang iyon. Kung keri, go for 500 words.

Mula riyan, simulan (o pasadahan muli) ang salin gamit ang nagawang note bilang basehan. Basahin nang ‘di kukulanging tatlong beses bago pasadahan o i-edit muli. Matapos mag-edit/pasada, basahin uli nang ‘di kukulanging tatlong beses bago i-edit/pasada muli. And so on hanggang sa maging kuntento na kayo sa kinalabasan.

Madali lang, ano? Hindi? Sori, ganun talaga. Kelangan talaga nating magsipag.

Gaano kayang katagal aabutin? Dipende. Ang minimum na inilalaan ko sa tula, 6 hours. Maximum ang 7 days. Kapag hindi ko pa rin nagagawang isalin nang maayos, give up na ako. Next year ko na babalikan malamang.

At bakit daw ako natatagalan? Kasi ang istilo ko ng pagsasalin e nasa gitna ng adaptation at literal translation. Bukod pa roon, hangarin ko ring maisalin ang boses ng orihinal na may-akda. Kumbaga, paano kaya isusulat ng may-akda yung tula kung natuto siyang magsulat sa wikang pinagsasalinan ko.

“Paano naman ang boses mo, kung gayon?” Malamang may magtatanong. Ayus lang sa akin yun. Hindi ako nagsasalin para magkaroon ng pangalan. Nagsasalin ako dahil nais kong maibahagi ang isang akda sa isang wika na pinananatili ang orihinal na hangarin at boses ng may-akda.

Para sa akin, ang pinakamahuhusay na mga tagasalin, mga ninja.

Sabado, Hulyo 28, 2012

13 Payo sa Pagsulat ng Kuwento As If Marunong Magkuwento ang Nagpapayo

Larawan: Hari Manawari, nobela ng may-akda ng sanaysay. (Artwork: Guhit ni Rai Cruz) 


1.Kuwento mo ito. Banggitin nang malakas. Kuwento mo ito. Pumikit. Banggitin nang mahina lamang. Kuwento mo ito. Pumikit na hindi lang mata ang nakapinid. Pati kamalayan. Iusal sa sarili: Kuwento ko ito. Kuwento ko ito. Hanggang sa maluha ka na sa realisasyong kuwento mo nga ito.

2. Huwag masyadong maarte sa pagpapahayag, katulad ng #1. Yung drama ay kailangang manggaling sa karakter, hindi sa awtor.

3. Yung # 2 ay kung drama ang kuwento. Pero kapag komedi, puwedeng manggaling ang pahayag sa awtor, na isinabibig ng kanyang karakter.

4. Magpatuloy kahit hindi ka sigurado sa iyong isinusulat. Makakatsamba rin kalaunan. Ala-suwerte-ala-hoy.

5. Magdesisyon kung susundin ang mga payong nabasa mula sa respetadong mga kuwentista. O lumarga nang lumarga na ang bitbit lang ay tiwala sa sarili at pangarap na maging mahusay na manunulat.

6. Tumigil na sa pagbasa nito kung nakapagdesisyon nang huwag makinig sa mga payo. (Pero teka, ang sinabi sa unahan ay “respetadong” kuwentista, so, tuloy tayo…)

7. Number 7 na at naalala ko bigla si Jawo. Suot ko pa naman kahapon yung t-shirt kong may Toyota sa harap at Jaworski, 7 sa likod. Never say die ang motto dapat ng manunulat. Teka, saan na ba tayo? Ayun, #7…Huwag linyar mag-isip.

8. Sa bahaging ito ay dapat na may iba ka nang pananaw tungkol sa pagkukuwento, o sa pagpapayo. Kung wala pa, bumalik sa # 1 at usalin: Kuwento ko ito (minus yung melodramatikong pag-recite).

9. Siyam daw ang buhay ng pusa. Nabibingit ka rin daw sa kapahamakan kapag may umepal na itim na pusa sa harapan. Mainam na matalas ang mata sa mga simbolo kapag nagkukuwento. Pero ibayong ingat dahil kultural ang simbolismo. Kung ang kuneho ay simbolo ng kautugan(read: kamanyakan) para sa mga Kano, sa Pinoy naman e (pasintabi) si George Estregan. O kung sa panahong ito, e si Mang Kanor.

10. Kung di mo kilala si Mang Kanor, kulang ka sa riserts o di ka masyadong tsismoso/a. Kung nais mong maging kuwentista, humanda ka nang maging risertser/mananaliksik, o tsismoso/a o manyak.

11.Siempre joke lang yung huli (“o manyak”). Yun nga pala, iwasan ang mga korning joke/s. Isang palpak na joke ay sira na ang kabuuan ng kuwento. Saka, bakit mo naman kailangang mag-joke? Desperate ka na ba talaga na komo hindi ka makapagkuwento nang maayos ay magjojoke ka na lang? Aba! Aba! Umayos ka! Seryosong art/sining/craft itong pagkukuwento (o pagsasalaysay)! Hoy! Nasan ka na? Mamaya mo na ireserts/isaliksik si Mang Kanor! Kung anoano inuuna e, iyan ang papatay/tetepok/dededo sa iyo!

12.Iwasan ang paggamit ng mga slash (/) at panaklong(parenthesis(?)). Tanda ito ng walang katiyakan o sobrang pagtitiyak. Saka, ang sakit kaya sa mata!

13. Labintatlo kaming magkakapatid. Ako ang bunso. 13th. Trese. Malas daw. Sabi nga ng mga utol ko, napulot lang kuno ako sa etsas ng kalabaw. Pero eto ang dayalog:

Si Ako: ‘Nay bakit andami namin?
Si Inay: Kasi anak, kahit mahirap tayo at elementary school titser lang ang Itay mo, hindi kami tumigil hangga’t hindi kami nagkakaanak ng GUWAPO.

14. Usal-usalin: Kuwento ko ito.

15.

16.

17.

18. Mental block. Eto ang madalas kaaway ng kuwentista o kahit sinong manunulat. Payo: Mag-FB lang sandali. Mag-like ng mga itinag sa iyong tula o kuwento rin ng katulad mong aspiring writers kahit di mo naman talaga iyun binasa. Ganundin naman ang pakiramdam mo kapag itina-tag mo sila.

19. Mahirap lumabas at pumasok at lumabas muli at pumasok muli at lumabas muli at pumasok muli at luma…sa isang kuwento (paolet-olet?). Sa bahaging ito’y posibleng pagsisihan mo ang pagsunod sa payo kong mag-FB sandali kapag na-mental block. Hahaha! Naghanap lang naman talaga ako ng damay! Pero seriously, marami akong kuwentong hindi tapos. Dahil nga madalas, kapag lumabas ka sa kuwento ay di ka na makakabalik pa. O kung makabalik ka man, nawala na ang momentum. Piliting upuan ang kuwento hanggang ang pinakaimportanteng bahagi at lundo ng ideya ay maisulat na bago ka mag-FB.

20. Ang “pamagat” ay mula sa unlaping “pang” at salitang ugat na “kagat.” May kasabihang “Don’t judge the book by its cover.” Pero hindi pa naman aklat ang pinag-uusapan natin kundi pamagat pa lang. Kaya humanda kang husgahan ang kuwento mo sa pamagat pa lamang. Tanong ng estudyante ko: Ser, kailan dapat lalagyan ng pamagat? Bago magsulat o pagkatapos maisulat ang kuwento? (Siguro’y naisip niya ito habang nanonood ng MMK). “Wow, that’s a very b-e-a-utiful question. Okey class, assignment n’yo yan!”

21. Karakter.

22.

23.

24.

25. Ang karakter ang pinakamahirap buuin. Sa kaso ko, ang mga karakter ang hirap talaga ako buuin. Okey lang sa akin ang sticks o balls o kahit nga sa flowers at four seasons! Pero malas talaga ako pag karakter na ang bubuuin. Hindi naman talaga ako gumon sa Mahjong o 麻雀. Tinatawag din itong má jiàng (麻將) ng mga Mandarin-ispiking ngayon. Hirap akong i-identify ang mga karakter. Mahina ako sa mga karakter at simbol. Mahina ako sa pagbasa. Kada umaga kasi nun, bago pumasok, sinisilip ko sa pagkakahilata si Itay. Me taning na ang buhay niya nun. Sinisilip ko uma-umaga kung umaalon-alon pa ang kanyang dibdib. Umagang-umaga ako umaalis ng bahay at gabing-gabi na uuwi. Ayokong tumigil ng bahay. Madalas, hindi naman ako pumapasok. Nagpapayakag sa kaklase na mag-Mahjong sa kalapit na parlor sa eskuwelahan. Nakabarkada kasi nila yung binatilyong taong-bahay( o taong-parlor) na syota raw nung me aring bading. Pero hindi nga ako gumon sa Mahjong. Hindi kasi ko nagpalaot matuto. Hirap kasi ako bumuo ng mga karakter.

26. Setting.

27.

28.

29.

30. Ito ang tagpuan ng kuwento. Sa loob ba ng simbahan? Labas ng simbahan? Kung sa labas, ay sa harap ba? O sa likod? O sa tuktok? O sa lihim na bahagi ng simbahan? O sa anino ng simbahan na biglang nagtransform bilang pinto papunta sa isang sikretong hardin? O sa kumpisalan kung saan matatagpuan ang isang nagpapanggap na manunulat na nagtatangkang magpayo at ikinukumpisal na maging siya ay hindi naman talaga alam kung paano magkuwento? Subalit hindi niya itinuloy ang pangungumpisal sa prayle(Spanish era ang setting) dahil hindi naman ito ang kumpisal na nakasulat sa Biblia kaya lumabas na lang siya at nagpunta sa isang karinderia, na nagtransform bigla at naging internet café. At dahil Fathers Day, sumulat siya ng isang tula para sa namayapang ama at ipinost sa FB. Nabasa ni Simsimi at dinaklot siya at napunta siya sa loob ng kompyuter, sa mundo ni Simsimi at doon sila nag-usap ng walang kabuluhan. Anu’t anuman, dapat na may paglagyan ka ng mga karakter mo kung saan sila makagagalaw nang maluwalhati.

31. Time Management. Mag-aalas dose na at 1:30 ang klase ko. Mag-iigib pa ako. Maliligo, magbibihis, magla-lunch, sasasakay sa dyip, lalakad papasok ng kampus, diretso sa college namin, sa department, lapag gamit sa table, kuha susi sa Rm 213…at kailangang maisagawa ito sa di lalagpas sa isa’t kalahating oras, kaya, ipagpapatuloy ko na lang ito pag-uwi ko mamayang gabi, mga humigi’t kumulang walo at kalahating oras pa mula ngayon…

32. Maghintay. Ang writer ay kailangang matutong maghintay. Kung anoano ang dapat mong hintayin ay malalaman mo…

33. Kunwari ay nakauwi na ako at gabi (mga 845pm) na subalit 12:15nn pa lang ngayon at nagpatuloy lang kahit salit-salit ang mata sa tinitipang sa keyboard at higanteng wall clock ng Manila Bulettin na bigay ng pamangkin. Mental block uli. Silip sa FB. Like. Like. Koment. Koment. Tag. Like. Koment. Silip sa wall clock. 12:30! Log-out. Balik sa MS Word. Tipa ng kaunti. Control-S. Close. X. X. X. Shut down. (Teka, problematik ito. Panu naitayp ang “Shut down” kung nai-close na ang Word?)

34. Bahala na si Batman! Kadalasan, hindi laging robin na dumadapo ang mga ideya sa ating isipan. Lakad-penguin itong iinot-inot sa pagpasok sa utak. Me pagkakataon pa ngang parang nag-freeze na ang lahat. Pero kailangan mong magpatuloy kahit parang poison sa kamalayan ang paggigiit . Que sera sera. Pigain ang utak. Paduguin ang ilong. Kung kailangang maglaslas ka ng pulso ay gawin mo. (Hoy! Hindi kasali yung huli ha? Joker lang talaga ako :P)

35. Plot. Ito ang magpapagalaw sa kuwento mo. Ito ang sagunson ng mga aksyon. Panimulang galaw; papaakyat na galaw; karurukan(pinakamaigting na galaw), kakalasan (with a twist), at, the end. Karaniwang nagsisimula ang aksyon sa “Paano kung” na situwasyon. Halimbawa ng plot: PANO KUNG kahit ano ang gawin mo ay hindi ka naging sikat na writer? Inggit na inggit ka sa mga binabasa mong writers, mapa-imported man, lokal o si Bob Ong. Gagawa ka ngayon ng plot para lipulin sila lahat. Panimulang galaw: Pupunta ka sa Siquijor para hanapin si Barbara Mambabarang. Papaakyat na galaw: Pinaakyat ka ni Barbara sa puno ng Manggachapuy para hugutin sa sanga ang pangil ng kilat(kidlat) na magbibigay sa iyo ng power. Ganito rin diumano ang power ni Pacman bukod sa kanyang mahaba at matigas na…braso. Karurukan: Nahulog ka sa puno ng Manggachapuy, dead on the scene. Kakalasan (with a twist): Inilibing ka ni Barbara Mambabarang na nagpanggap lang palang Barbarang Mambabarang na sa tunay na buhay pala ay si Bob Ong na sa tunay na buhay ay hindi mo nga alam kung sino at natunugan na niyang ikaw ang papalit sa kanya kaya inunahan ka na niya sa pamamagitan ng paglagari sa bahagi ng sanga ng Manggachapuy na tatapakan mo. Ang wakas: Nagpakamatay si Bob Ong dahil narealize niyang crush ka niya dahil ang kyut mo tingnan habang nahuhulog mula sa Manggachapuy hawak ang pangil ng kilat. The End. Wait, close-up sa kamay ni Bob Ong na gumalaw ang hinliliit. Pahiwatig na meron pang Part 2.

36. Dayalog.

“Writer ka ba?”
“Bakeeet?!!!!!”
“Tinyaga mong basahin hanggang dito e.”

37. Story. Kaya ka nga tinawag na kuwentista, dapat me kuwento ka. Ano ang iyong ikukuwento? Mali ang tanong. Tama: Bakit kailangan mong ikuwento ang iyong ikukuwento?. Hindi naman sa nagkukuwento tayo para sagipin ang Planet Earth o ang buong universe, pero naman, huwag naman nating bastusin ang Literature and Society ni Ka Badong Lopez. Kung gano’n ay kalimutan mo na ang hate-love-relationship nyo ni Bob Ong. Marami namang “paano kung na situwasyon” na socially relevant din. Sampol: E di dinala ka nga ni Simsimi sa mundo nila (Tingnan ang Payo #33). Ipinagtapat niya ang kanyang lihim: Anak siya ni PNoy (Obvious ba raw sa kanyang buhok at kulay na dilaw?). Huwhaaaat?! Siempre, di ka agad maniniwala. Magpapaliwanag siya: Kesyo, family secret daw. At ang conspiracy theory ni Simsimi, ang Illuminati ang may kagagawan kaya siya naging si Simsimi. Simon ang tunay niyang pangalan. Favorite daw kasi ni PNOY ang….(Sisingit ka: “El Fili? Di ka niya papansinin at magpapatuloy…) Simon and Garfunkel. Sa pamamagitan ni Kris Aquino, nailakad sa Illuminati ang kaso niya. Kay Steve Jobs unang pinatatrabaho ang pag-erase sa kanya, pero hindi ito pumayag. Goodbye Steve Jobs! Ano ngayion ang plano ni Simsimi? O mas tamang sabihing, ano na ngayon ang plano n’yo? Eto ngayon ang plot: SONA 2012. Handa na ang lahat. Ang mga biktima ng Krusda, panahon ng ‘Merkano, Hapon, EdSA , ng Balangiga, Bud Dajo, Bud Bagsak, Jabidah, Tacbil Mosque, Escalante, Mendiola, Vizconde, Luisita, Ipil, Kauwagan, Kolambugan, Maguindanao, Norway, Guyana, El Salvador, Nanking, Babi Yar, Prisoners, Elphinstone’s Army, Batak, Thessaloniki, St Bartholomew’s day, Sabra and Shatila, Bolton, September at iba pang nalimutan na o hindi na nakarating sa ating kamalayan! Araw ito ng mga biktima! Handa na ang lahat! Lalo na ang mga pinighati ng kanyang ama dahil sa mga sistema at polisiyang tinanguan at isinulong tulad ng K + 12! Oplan Bayanihan! eVAT! Anti-planking! Ang mga biktima ng pambu-bully nung elementary o sa FB! At magaganap ang paghihiganti sa SONA ng kanyang ama! Sisigaw si Simsimi, ito ang rurok ng aksyon: “ New World Order!” Sa bahaging ito ay magdududa ka. “Hindi kaya, illuminati rin si Simsimi? Pasok na agad ang kakalasan: Kakalas ka sa usapan n’yo ni Simsimi. Malulungkot siya. Kakausapin mo siya at aaluin. No response. Kakalabitin mo siya. No response. Babatukan. No response. Ibe-bear hug. No response pa rin. Hihilahin mo sa buhok. Tititigan ka nang masama: “Guluhin mo na buhay ko, wag lang ang buhok ko.” Ngingiti ka. Mangingiti rin siya. Magkakamay kayo. Babalik ka na sa mundo mo. The End.

38. Points of View.

Look, it happened once again
It happens every now and then
Feeling the hurt and hating all the men
Ready to stop it all
That’s when I need a friendly face
To see me through these lonely days
Just to put some sunshine in my place
Don’t take too long I need you

REFRAIN:

Here I am I haven’t gone that far away
And since I am
That kind of friend you know
Would stay with you through all the pain
Never to leave you in the rain
Ready to listen to what you’ve been through
Your woes and blues and share each other’s

CHORUS:

Points of view
We’ve been there once before
And kept our points of view
It doesn’t really matter if they’re never quite the same
We have our rules in different ways
We play the games of different folks with different strokes
And keep our points of view
See the world seems bright again
It only darkens now and then
Most of the time there’s just no telling when
Look up and see you’ve got me

REFRAIN:

Here we are
We may have gone our different ways
But since we are
The kind of friends who’ll always stay
No matter what the pain
Learning to love that cap o rain
Ready to say we’re here to stay in every way
Although we’e got our different…

CHORUS:

Points of view We’ve been there once before
And kept our points of view
It doesn’t really matter if they’re never quite the same
We have our rules in different ways
We play the games of different folks with different strokes
And never really change our….
Points of view
We’ve been there once before
And kept our points of view
It doesn’t really matter if they’re never quite the same
We have our rules in different ways
We play the games of different folks with different strokes
And keep our points of view

39. Mag-isip nang malalim. Ipinanganganak ba ang writer o ginagawa? Matitigilan ka. Lalamukusin mo ang keyboard at monitor ng kompyuter. Ibabalibag ang CPU. Kailangang sa bahaging ito ay makaramdam ka ng kasiyahan. Di maipaliwanag na contentment. Ngingisi ka. Pakiramdaman mo kung pilit ba ito o hindi. Kailangang maramadaman mong natural at hindi pilit ang pagngisi. 'Yung ngising parang Yahoo Messenger.

40. Binalikan mo ang pamagat. Binalak mong baguhin kasi’y hindi lang naman 13 ang nagawa mong payo. Hinayaan mo na lang kasi kung gagawin mong 40 Payo ay sino naman ang magbabasa ng ganun kahaba? Hindi ka tiyak sa isinulat mo. Pero nandiyan na yan. Sayang kung buburahin mo pa. At saka naisip mo: Maano nga? Kuwento ko ito. Kuwento ko ito.

--German Villanueva Gervacio--

Biyernes, Hulyo 13, 2012

Rengga 101



Rengga 101
- Sining-TNT (Aris, Emmanuel, Gem, Lenkurt, Macky)

'Wag palaging umaasa
sa mga 'di kaasa-asa.
Hindi lamang sang-iglap
ang pagbabagong hinahagilap;
Mahaba ang kailangang panahon
bago makarating sa puntong pag-ahon.

Isasalaysay ba sa kanyang palad
ang iyong kapalarang na sa palad nakalahad-
Isusuko mo na lang ba?
Iaalay na parang tupa
sa harap ng taong sinasamba-
Inhustisya.
Hindi ka hangal, kumilos ka!

Mga inutil lang ang umaasa
sa pag-asa-

Walang kwenta ang pag-asa
kung wala itong kaakibat na gawa.

Walang mapapala kung ika'y tutunga-nga
at mag-aabang lang sa pagdating ng salitang pag-asa

Kung hindi mo imumulat ang iyong mga mata bago magtakipsilim-
ang sarili mo'y mananatiling kabalyesira ng dilim.
Ang pag-asa'y mananatiling umaasa-
ang umaasa'y mananatiling huwad na pag-asa.

Tulad ng tubig sa balon-
hindi mo makukuha ang tunay laman-
kung hahagisan mo lang ang balon ng piso.
Hindi masasalamin ang iyong abiso.
Ang pag-asa'y tubig sa balon-
kailangan mong kadluin
hindi mo kailangang pangarapin.

Oo, kailangan ngang kadluin
tinatawag na pag-asa
kailangang ito'y maging tawa
at hindi laging ngiti
maging tuwa
hindi laging tawa
maging saya
hindi laging tuwa
maging ligaya
hindi laging saya.

Ganoon na nga, inutil ang mga umaasa
at hindi ko lang ngayon sasabihin
magtagpo man tayo sa iyong panaginip
ito pa rin ang aking sasambitin
"May presyo ang pag-asa
hindi libre ang pangarap.

                                                                                        


                                                                                               Oktubre 2011

Huwebes, Hunyo 14, 2012

(Rated PG) Pagsilip sa "Threesome" ni Mark Angeles




Laro sa tatlo ang Threesome, ikatlong self-published poetry book ni Mark Angeles. Maaaring sequel ito ng Patikim na koleksyon niya ng mga tulang isinalang ang usapin ng pag-ibig sa sari-saring kalan ng sentimentalismo, psychoanalysis, at Marxistang pananaw. Tatlu-tatlo. Koleksyon ito ng mga bagong tula niya sa Filipino, ng mga tula niya sa Ingles, at ng mga salin sa Filipino ng love poems ng mga banyagang makata. Bilang ekstensyon ng Patikim, nilaro niya ang wari ng mga mangingibig ngunit mas palaban na ngayon. At dahil marami na rin ang humihiling na ilathala na niya ang mga tula niya sa Ingles, isinama niya rito ang ilang piling tula. Ang ikatlong bahagi naman ay seksyon ng mga salin ng mga piling akda ng mga banyagang makata mulang Ingles. Isang proseso ang naging karanasan niya sa pagsasalin sa paghagilap ng mga tamang salita—ibinalita ito sa huling pahina ng aklat—lalo na’t ilan sa mga tulang napili ay mga salin din sa Ingles at may dalawa o higit pang bersyon (halimbawa, mga tula nina Pablo Neruda at C.V.Cavafy). Sa aklat na ito, may ilang ulit na nag-walkout, may paring hindi natiis ang kanyang libog, at may mangingibig mulang La Pobreza.

0612



We are all
born with
muskets
pointed
at our heads

And every move
is
orchestrated
by long-
sleeping
ghosts
within
those
damned
bills
stamped and inked
with the blood
of Samuel's
greed.

As such,
we are all
born

In despair
on the edge
empty
impoverished
and
virtually

In dependence.

2012, June 11


--Aris Remollino--

Miyerkules, Hunyo 13, 2012

Ang Kalayaan, Ayon Sa Textbook Na Hindi Ipinagbibili Dahil Pag-aari Ng Pamahalaan



Maaari bang
Huwag
nang ipagdiwang
Ang araw
Ng pagkakasanla
Ng ating bayan?
Sayang lang
Ang isang araw
Na sana'y merong pasok
Sa trabaho

Dahil

Ayaw kong makaligtaan
Ang pagdaan
Ng tatlong raan
At animnapu't limang araw
Na baka sakaling
Ideklara ang--
Tunay na
Karapatan
Habang ako'y
Tagaktak
Pawis
At kayod
Kabayo
Upang kumita
Ang aking dayuhang amo.

Kalayaan,
Kailan
Ka
Ba
Matutubos?


--Lenkurt Lopez--

(H)independence Day

unang naisulat noong june 12 2009
medyo inayos ngayong june 12 2012
http://otsopya.multiply.com/journal/item/688



Isang araw na marapat ipagluksa,
Hindi piyesta opisyal na ipagsasaya
Pagkat ngayon ang araw na kawawa,
Pilipino'y naisahan ng kanyang kapwa.

Sa pilak na dolyar hudas ay nagkasya,
Ibenta ang dangal at puri ni Pilipina.
Nagpauto't nakipagkuntsaba,
Pumayag na maging papet ng imperyalista.

Inagaw nila sa ating mga kamay
Ang tunay na tagumpay
Ng proletaryong makabayang nag-alay
Ng dugo, pawis, at buhay.

Daang libong taon man ang mapilas,
Tanikala ng krus at espada'y nakakalas
Subalit di natatapos ang ating pagpupumiglas,
Kilalanin, kaaway nating namamalas
Maging mapanuri't matalas

Pansinin, pangalan at anyo
Natatanging nagbabago
Hindi ang mga pagsasamantala at siphayo
Hindi ang mga pangaapi at pangaabuso
Hindi ang mga panguuto at panggagantso

Katotohanan ay itinatago
Ng sapin-saping balatkayo
Ikinukubli sa maraming termino
Ang tunay at totoo:

Sa leeg nati'y nananatiling nakakawit
Lubid ng imperyalismong malupit,
Hinahamig yaman ng bayang marikit
Sa pansariling interes ay magamit.

Binura nga ang base ng abusadong si Sam,
Ngunit VFA ay may parehas na tinuturan.
Nagbabago ang pangalan ngunit hindi ang ugnayan,
Nanatiling papet at tuta tayong,

Uupo-
Lulundag-
Sa kanilang gusto.

Kailan pa bang mga kahol aalingawngaw
Sa bukid ng mga bayaning binabangaw

Kailan pa ba ikaw babalikwas
Kailan pa ba ikaw magaaklas

Kapag binawi ka na din ng lupa
Kapag niyakap ka na din ng Bathala

Kapag multo mo na lang ang aming giya
Tagumpay ay aming matatamasa

(H)indipendence day ngayon,

Hindi
Kalayaang
Tunay
Na kasanga-sangayon,

Halina gunitain,
Binaluktot na kasaysayan
Nang matuto
Sa iniwang aral
Ng marahas na tunggalian.
Bukas, sa ating mga anak
Iugit nati'y pagwawasto,
Nang sa mga dumanak
Nating pawis at dugo

Anihin
Ang pagbabago.


--Pia Montalban--

Martes, Hunyo 12, 2012

06121898



Kung kailangan ng kausap
i-dial ang numero
sa magarbong iphone
na kakabili mo ngayon.

I-save agad sa memory
lagyan mo ng pangalan
pero i suggest, mas bagay
ang Sam.

Maraming siyang ipu-forward na joke
kapag siya ay kinilala
iyak-tawa ang hantungan
hanggang sa ika'y magmukhang tanga.

Ingat lang sa kakatawa, sa pagsasaya
baka mabitawan ang iphone na dala

mahal pa naman iyan, galing pang amerika.


--Emmanuel Halabaso--

Kung Nasaan ang Kalayaan sa mga Panahong Ito



Saang sulok ng bansa matatagpuan ngayon ang kalayaan?
Ngayong ang layang manalig ay laya lamang na maniwalang
ang buktot na pinuno'y talaga ng Diyos,
ngayong ang layang sumapi'y laya lamang na mapabilang
sa korong umaawit ng mga "Hosanna" sa magnanakaw ng trono,
ngayong ang layang mangusap ay laya lamang na purihin
ang mga diyus-diyosang nararapat na sumpain --
saang sulok ng bansa matatagpuan ang kalayaan?

Hindi ito matatagpuan saanman,
hindi ito matatagpuan saanman
kundi sa mga diwa't pusong nakatatalos at nagpapahalaga
sa kanyang kabanalan bilang karapatan ng lahat.
Siya'y kinakanlong ngayon ng mga diwa't pusong ito,
at siya'y kanilang ibubulwak sa lahat ng sulok ng bansa
kapag ang kanilang kabatiran at pag-ibig
ay naging iisang lakas ng angaw na kamao.


Marso 29, 2006

--Alexander Martin Remollino--

Kalayaan, Araw Ng. . .



nang iwagayway ni emil
ang brief niyang asul-puti-pula
na tinamuran ni tiyo samuel
                    nagsimulang
mabuntis ang ilusyong malaya
na sila
            malaya na sila

parang maya lang
na malayang mamulot
ng mumo
                 o bangus
na bunsol sa kamatis-sibuyas-paminta
na malayang
humilata sa baga
o si Pepe
              na malayang
mag-trenchcoat
kahit matindi ang sikat ng araw

kaya mula noon
okey lang mangutang
kahit iba ang papasan
                        ayos lang
maging pangulo
                nang wan tu sawa
ipalsak ang libo-libong sapatos
sa dadalawang paa

                 tumayong pangulo
kapalit ng banang itinumba

malayang sumubo ng tabako
nang walang baga
                             lumipad
paroo’t parito
kasama ng asawa

malayang magtrip
ang artista
                 na sandaling gumanap
                 na presidente

malayang mandaya sa eleksyon
basta magso-sorry lang
                  malayang tumakbo
nang paulit-ulit
                          malayang magnakaw
nang hindi nasasabit
                                  malayang
magpabandying-bandying
at ang porsche
at lovelife
                 ang asikasuhin

okey lang ibaon sa lupa ang magsasaka
okey lang yumari ng manggagawa
okey lang patahimikin ang aktibista
okey lang lamas-lamasin ang masa
okey lang kantutin ang lahat na

ang saya diba? ang saya!

oh haw ay lab my kantri,

da pilipins!

nakatutula ako
                  ng gusto ko

                  nang gusto ko

hindi ako kailangang maging
                                               mahusay
hindi ako kailangang
                                   matakot
na magkamali

   magkabale-balentong man
   mawalan man ng saysay at kahulugan
  kumorni man
  wuttever

:P
:P
:P

8%#$***_____**!Fkcu#%&

                        malaya ako
                        malaya sila
                        malaya kami
araw natin ito!
                        magsaya!
                        magsaya!
talo man si jessica
talo man ang boston
talo man si pacman

kahit ikaw lang ang nag-like sa shoutout mo
ikaw lang din ang nagshare sa sarili mo
at sa koment ay itinag mo pa rin ang pangalan mo

magdiwang!
magdiwang!
magdiwang!
                     kumakalam man
                     ang ating mga tiyan

dinadayukdok man
ang ating karapatan

                         klap klap klap!
                         Yahu yahu yahuuu!

kesehoda ang mga nega
deadmahin, inggitero't inggitera
i-unfriend ang troll
i-block ang sambakol

shumembot shembot!
pabulo-bulolot!

                     martes de santo
                     martes de santo
wagi tayo
sa pambansang ilusyong ito!


yeah, baby yeah
break it down...




12 HUnyo 2012 Iligan City
--German Villanueva Gervacio--

Lunes, Hunyo 11, 2012

Iliganon



Sa paanan ng bundok,
Kami'y nakahimlay.
Kaniig ang halik ng lumbay
Ng mga alon sa baybay.

Umiilig-ilig sa aming bayan--
Mga hinulugan at bukal,
Mga sugilanong supernatural:
Diwata, babaylan, pagano

Sa batayan ng mga relihiyoso
Depende sa kung saan panatiko,
Digmaan ng mga nagtatalong totoo
Sa sagutan ng mga bomba't punglo.

Sa paanan ng bundok,
Kuta kami ng mga kaibiga't kaaway,
Nakikita at kunyaring di nakikita.
Sa aming mga gubat, ilog at baybay:

Naisumpa ng mga patay,
Takda ng aming mga buhay.


--Pia Montalban--

Biyernes, Pebrero 10, 2012

PedXing: HULIHIN SI PALPARAN! PAGBAYARIN!


                                                                         
Masakit sa isang pamilya ang mawalan ng mahal sa buhay. May mga nawawalan dahil sa sakit. May nawalan dahil sa di maiiwasang aksidente. At may nawalan dahil inagaw ng kung sino ang mga mahal nila.
Ang panghuling pangungusap ang pinakamasaklap sa lahat ng kawalan. Mangangapa, maghahanap sa wala; walang sisimulan at walang tiyak na tapos. Hindi basta-basta na lamang ang mga pagkawalang ito dahil nasa likod ng mga ito ay ang mga demonyo at berdugong tila mga aswang na naniniktik at pataksil kung manila.
Iyan si Jovito Palparan at ang kapwa akusadong si Master Sgt. Rizal Hilario.

Insensitive
, ika nga ng abogodang si Edre Olalia.
At tila gusto pang pigaan ng kalamansi ang sugat, sasabihin sa mga miyembro ng mamamahayag ng isa sa mga abogado ni Jovito Palparan na buhay pa daw sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.
Ngayong nalalapit na ang araw ng mga puso, huwag nating kalilimutan ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa. Huwag nating hayaang “Rumamona” ang mga berdugong dapat managot sa kaniyang mga kasalanan, sa mga pamilya ng kaniyang biktima, at higit sa lahat, sa taumbayan.
Narito ang mga makata ng KM64, handang tumutugis sa berdugong si Jovito Palparan. Tunghayan, at sabay-sabay tayong sumigaw:  HULIHIN SI PALPARAN! PAGBAYARIN!

Basahin ang mga tula sa (PINOY WEEKLY)

Martes, Enero 24, 2012

Bitayin si Gloria Chapbook



Enero 20, 2001.. Dahil sa bisa ng sama-samang paghahanap ng katarungan at katotohanan, naganap ang ikalawang EDSA Uprising at nasipa si Erap. Nanumpang pangulo ang noo'y bise presidenteng si Gloria Macapagal Arroyo. Sa kanyang pag-upo sa Malakanyang, isinumpa siya hindi lang ng mga kalaban niya sa politika, kundin pati na rin ng taumbayan, dahil sa kaliwa't kanang pangungurakot niya sa kaban ng bayan.
Pagkatapos ng isang dekada, "stay in" siya ngayon sa presidential suite ng Veterans, samantalang ang mga may sakit nating mga kababayan, halos magpakamatay na para makahanap lang ng pambayad sa ospital! Hindi lang siya dapat isumpa! Bitayin si Gloria! 

Ped Xing: Barangay Corazon de Jesus



Karapatan ng bawat mamamayan na magkaroon ng maayos na matitirahan, at tungkulin ng Estado na ibahagi ang pangunahing pangangailangang ito. Malinaw itong nakasaad sa 1987 Constitution (Article XIII, Sections 9-10). Ayun din sa artikulong iyon, tungkulin ng Estado ang makipag-negosasyon sa mga maralitang tagalungsod at magsagawa ng relokasyon sa pamamaraang makatao at naaayon sa batas. Patunay ang pamamayani ng karahasan sa Brgy Corazon de Jesus, Pinaglabanan, San Juan na may malaking pagkukulang ang programang pangrelokasyon ng kasalukuyang pamahalaan. Mahirap sisihin ang mga residente ng Corazon de Jesus kung pinili nilang manatili roon dahil sa kawalan ng kongkretong alternatibong pangkabuhayan mula sa Estado. Higit sa lahat, sa nangyaring marahas na pagtataboy sa mga residente ng Corazon de Jesus, pinatitibay lamang nito ang katotohanang wala pa ring pag-unlad sa estado ng pamumuhay ng mga maralitang tagalungsod.


Basahin ang mga tula sa Pinoy Weekly