|
Larawan: Hari Manawari, nobela ng may-akda ng sanaysay. (Artwork: Guhit ni Rai Cruz) |
1.Kuwento mo ito. Banggitin nang malakas. Kuwento mo ito. Pumikit. Banggitin nang mahina lamang. Kuwento mo ito. Pumikit na hindi lang mata ang nakapinid. Pati kamalayan. Iusal sa sarili: Kuwento ko ito. Kuwento ko ito. Hanggang sa maluha ka na sa realisasyong kuwento mo nga ito.
2. Huwag masyadong maarte sa pagpapahayag, katulad ng #1. Yung drama ay kailangang manggaling sa karakter, hindi sa awtor.
3. Yung # 2 ay kung drama ang kuwento. Pero kapag komedi, puwedeng manggaling ang pahayag sa awtor, na isinabibig ng kanyang karakter.
4. Magpatuloy kahit hindi ka sigurado sa iyong isinusulat. Makakatsamba rin kalaunan. Ala-suwerte-ala-hoy.
5. Magdesisyon kung susundin ang mga payong nabasa mula sa respetadong mga kuwentista. O lumarga nang lumarga na ang bitbit lang ay tiwala sa sarili at pangarap na maging mahusay na manunulat.
6. Tumigil na sa pagbasa nito kung nakapagdesisyon nang huwag makinig sa mga payo. (Pero teka, ang sinabi sa unahan ay “respetadong” kuwentista, so, tuloy tayo…)
7. Number 7 na at naalala ko bigla si Jawo. Suot ko pa naman kahapon yung t-shirt kong may Toyota sa harap at Jaworski, 7 sa likod. Never say die ang motto dapat ng manunulat. Teka, saan na ba tayo? Ayun, #7…Huwag linyar mag-isip.
8. Sa bahaging ito ay dapat na may iba ka nang pananaw tungkol sa pagkukuwento, o sa pagpapayo. Kung wala pa, bumalik sa # 1 at usalin: Kuwento ko ito (minus yung melodramatikong pag-recite).
9. Siyam daw ang buhay ng pusa. Nabibingit ka rin daw sa kapahamakan kapag may umepal na itim na pusa sa harapan. Mainam na matalas ang mata sa mga simbolo kapag nagkukuwento. Pero ibayong ingat dahil kultural ang simbolismo. Kung ang kuneho ay simbolo ng kautugan(read: kamanyakan) para sa mga Kano, sa Pinoy naman e (pasintabi) si George Estregan. O kung sa panahong ito, e si Mang Kanor.
10. Kung di mo kilala si Mang Kanor, kulang ka sa riserts o di ka masyadong tsismoso/a. Kung nais mong maging kuwentista, humanda ka nang maging risertser/mananaliksik, o tsismoso/a o manyak.
11.Siempre joke lang yung huli (“o manyak”). Yun nga pala, iwasan ang mga korning joke/s. Isang palpak na joke ay sira na ang kabuuan ng kuwento. Saka, bakit mo naman kailangang mag-joke? Desperate ka na ba talaga na komo hindi ka makapagkuwento nang maayos ay magjojoke ka na lang? Aba! Aba! Umayos ka! Seryosong art/sining/craft itong pagkukuwento (o pagsasalaysay)! Hoy! Nasan ka na? Mamaya mo na ireserts/isaliksik si Mang Kanor! Kung anoano inuuna e, iyan ang papatay/tetepok/dededo sa iyo!
12.Iwasan ang paggamit ng mga slash (/) at panaklong(parenthesis(?)). Tanda ito ng walang katiyakan o sobrang pagtitiyak. Saka, ang sakit kaya sa mata!
13. Labintatlo kaming magkakapatid. Ako ang bunso. 13th. Trese. Malas daw. Sabi nga ng mga utol ko, napulot lang kuno ako sa etsas ng kalabaw. Pero eto ang dayalog:
Si Ako: ‘Nay bakit andami namin?
Si Inay: Kasi anak, kahit mahirap tayo at elementary school titser lang ang Itay mo, hindi kami tumigil hangga’t hindi kami nagkakaanak ng GUWAPO.
14. Usal-usalin: Kuwento ko ito.
15.
16.
17.
18. Mental block. Eto ang madalas kaaway ng kuwentista o kahit sinong manunulat. Payo: Mag-FB lang sandali. Mag-like ng mga itinag sa iyong tula o kuwento rin ng katulad mong aspiring writers kahit di mo naman talaga iyun binasa. Ganundin naman ang pakiramdam mo kapag itina-tag mo sila.
19. Mahirap lumabas at pumasok at lumabas muli at pumasok muli at lumabas muli at pumasok muli at luma…sa isang kuwento (paolet-olet?). Sa bahaging ito’y posibleng pagsisihan mo ang pagsunod sa payo kong mag-FB sandali kapag na-mental block. Hahaha! Naghanap lang naman talaga ako ng damay! Pero seriously, marami akong kuwentong hindi tapos. Dahil nga madalas, kapag lumabas ka sa kuwento ay di ka na makakabalik pa. O kung makabalik ka man, nawala na ang momentum. Piliting upuan ang kuwento hanggang ang pinakaimportanteng bahagi at lundo ng ideya ay maisulat na bago ka mag-FB.
20. Ang “pamagat” ay mula sa unlaping “pang” at salitang ugat na “kagat.” May kasabihang “Don’t judge the book by its cover.” Pero hindi pa naman aklat ang pinag-uusapan natin kundi pamagat pa lang. Kaya humanda kang husgahan ang kuwento mo sa pamagat pa lamang. Tanong ng estudyante ko: Ser, kailan dapat lalagyan ng pamagat? Bago magsulat o pagkatapos maisulat ang kuwento? (Siguro’y naisip niya ito habang nanonood ng MMK). “Wow, that’s a very b-e-a-utiful question. Okey class, assignment n’yo yan!”
21. Karakter.
22.
23.
24.
25. Ang karakter ang pinakamahirap buuin. Sa kaso ko, ang mga karakter ang hirap talaga ako buuin. Okey lang sa akin ang sticks o balls o kahit nga sa flowers at four seasons! Pero malas talaga ako pag karakter na ang bubuuin. Hindi naman talaga ako gumon sa Mahjong o 麻雀. Tinatawag din itong má jiàng (麻將) ng mga Mandarin-ispiking ngayon. Hirap akong i-identify ang mga karakter. Mahina ako sa mga karakter at simbol. Mahina ako sa pagbasa. Kada umaga kasi nun, bago pumasok, sinisilip ko sa pagkakahilata si Itay. Me taning na ang buhay niya nun. Sinisilip ko uma-umaga kung umaalon-alon pa ang kanyang dibdib. Umagang-umaga ako umaalis ng bahay at gabing-gabi na uuwi. Ayokong tumigil ng bahay. Madalas, hindi naman ako pumapasok. Nagpapayakag sa kaklase na mag-Mahjong sa kalapit na parlor sa eskuwelahan. Nakabarkada kasi nila yung binatilyong taong-bahay( o taong-parlor) na syota raw nung me aring bading. Pero hindi nga ako gumon sa Mahjong. Hindi kasi ko nagpalaot matuto. Hirap kasi ako bumuo ng mga karakter.
26. Setting.
27.
28.
29.
30. Ito ang tagpuan ng kuwento. Sa loob ba ng simbahan? Labas ng simbahan? Kung sa labas, ay sa harap ba? O sa likod? O sa tuktok? O sa lihim na bahagi ng simbahan? O sa anino ng simbahan na biglang nagtransform bilang pinto papunta sa isang sikretong hardin? O sa kumpisalan kung saan matatagpuan ang isang nagpapanggap na manunulat na nagtatangkang magpayo at ikinukumpisal na maging siya ay hindi naman talaga alam kung paano magkuwento? Subalit hindi niya itinuloy ang pangungumpisal sa prayle(Spanish era ang setting) dahil hindi naman ito ang kumpisal na nakasulat sa Biblia kaya lumabas na lang siya at nagpunta sa isang karinderia, na nagtransform bigla at naging internet café. At dahil Fathers Day, sumulat siya ng isang tula para sa namayapang ama at ipinost sa FB. Nabasa ni Simsimi at dinaklot siya at napunta siya sa loob ng kompyuter, sa mundo ni Simsimi at doon sila nag-usap ng walang kabuluhan. Anu’t anuman, dapat na may paglagyan ka ng mga karakter mo kung saan sila makagagalaw nang maluwalhati.
31. Time Management. Mag-aalas dose na at 1:30 ang klase ko. Mag-iigib pa ako. Maliligo, magbibihis, magla-lunch, sasasakay sa dyip, lalakad papasok ng kampus, diretso sa college namin, sa department, lapag gamit sa table, kuha susi sa Rm 213…at kailangang maisagawa ito sa di lalagpas sa isa’t kalahating oras, kaya, ipagpapatuloy ko na lang ito pag-uwi ko mamayang gabi, mga humigi’t kumulang walo at kalahating oras pa mula ngayon…
32. Maghintay. Ang writer ay kailangang matutong maghintay. Kung anoano ang dapat mong hintayin ay malalaman mo…
33. Kunwari ay nakauwi na ako at gabi (mga 845pm) na subalit 12:15nn pa lang ngayon at nagpatuloy lang kahit salit-salit ang mata sa tinitipang sa keyboard at higanteng wall clock ng Manila Bulettin na bigay ng pamangkin. Mental block uli. Silip sa FB. Like. Like. Koment. Koment. Tag. Like. Koment. Silip sa wall clock. 12:30! Log-out. Balik sa MS Word. Tipa ng kaunti. Control-S. Close. X. X. X. Shut down. (Teka, problematik ito. Panu naitayp ang “Shut down” kung nai-close na ang Word?)
34. Bahala na si Batman! Kadalasan, hindi laging robin na dumadapo ang mga ideya sa ating isipan. Lakad-penguin itong iinot-inot sa pagpasok sa utak. Me pagkakataon pa ngang parang nag-freeze na ang lahat. Pero kailangan mong magpatuloy kahit parang poison sa kamalayan ang paggigiit . Que sera sera. Pigain ang utak. Paduguin ang ilong. Kung kailangang maglaslas ka ng pulso ay gawin mo. (Hoy! Hindi kasali yung huli ha? Joker lang talaga ako :P)
35. Plot. Ito ang magpapagalaw sa kuwento mo. Ito ang sagunson ng mga aksyon. Panimulang galaw; papaakyat na galaw; karurukan(pinakamaigting na galaw), kakalasan (with a twist), at, the end. Karaniwang nagsisimula ang aksyon sa “Paano kung” na situwasyon. Halimbawa ng plot: PANO KUNG kahit ano ang gawin mo ay hindi ka naging sikat na writer? Inggit na inggit ka sa mga binabasa mong writers, mapa-imported man, lokal o si Bob Ong. Gagawa ka ngayon ng plot para lipulin sila lahat. Panimulang galaw: Pupunta ka sa Siquijor para hanapin si Barbara Mambabarang. Papaakyat na galaw: Pinaakyat ka ni Barbara sa puno ng Manggachapuy para hugutin sa sanga ang pangil ng kilat(kidlat) na magbibigay sa iyo ng power. Ganito rin diumano ang power ni Pacman bukod sa kanyang mahaba at matigas na…braso. Karurukan: Nahulog ka sa puno ng Manggachapuy, dead on the scene. Kakalasan (with a twist): Inilibing ka ni Barbara Mambabarang na nagpanggap lang palang Barbarang Mambabarang na sa tunay na buhay pala ay si Bob Ong na sa tunay na buhay ay hindi mo nga alam kung sino at natunugan na niyang ikaw ang papalit sa kanya kaya inunahan ka na niya sa pamamagitan ng paglagari sa bahagi ng sanga ng Manggachapuy na tatapakan mo. Ang wakas: Nagpakamatay si Bob Ong dahil narealize niyang crush ka niya dahil ang kyut mo tingnan habang nahuhulog mula sa Manggachapuy hawak ang pangil ng kilat. The End. Wait, close-up sa kamay ni Bob Ong na gumalaw ang hinliliit. Pahiwatig na meron pang Part 2.
36. Dayalog.
“Writer ka ba?”
“Bakeeet?!!!!!”
“Tinyaga mong basahin hanggang dito e.”
37. Story. Kaya ka nga tinawag na kuwentista, dapat me kuwento ka. Ano ang iyong ikukuwento? Mali ang tanong. Tama: Bakit kailangan mong ikuwento ang iyong ikukuwento?. Hindi naman sa nagkukuwento tayo para sagipin ang Planet Earth o ang buong universe, pero naman, huwag naman nating bastusin ang Literature and Society ni Ka Badong Lopez. Kung gano’n ay kalimutan mo na ang hate-love-relationship nyo ni Bob Ong. Marami namang “paano kung na situwasyon” na socially relevant din. Sampol: E di dinala ka nga ni Simsimi sa mundo nila (Tingnan ang Payo #33). Ipinagtapat niya ang kanyang lihim: Anak siya ni PNoy (Obvious ba raw sa kanyang buhok at kulay na dilaw?). Huwhaaaat?! Siempre, di ka agad maniniwala. Magpapaliwanag siya: Kesyo, family secret daw. At ang conspiracy theory ni Simsimi, ang Illuminati ang may kagagawan kaya siya naging si Simsimi. Simon ang tunay niyang pangalan. Favorite daw kasi ni PNOY ang….(Sisingit ka: “El Fili? Di ka niya papansinin at magpapatuloy…) Simon and Garfunkel. Sa pamamagitan ni Kris Aquino, nailakad sa Illuminati ang kaso niya. Kay Steve Jobs unang pinatatrabaho ang pag-erase sa kanya, pero hindi ito pumayag. Goodbye Steve Jobs! Ano ngayion ang plano ni Simsimi? O mas tamang sabihing, ano na ngayon ang plano n’yo? Eto ngayon ang plot: SONA 2012. Handa na ang lahat. Ang mga biktima ng Krusda, panahon ng ‘Merkano, Hapon, EdSA , ng Balangiga, Bud Dajo, Bud Bagsak, Jabidah, Tacbil Mosque, Escalante, Mendiola, Vizconde, Luisita, Ipil, Kauwagan, Kolambugan, Maguindanao, Norway, Guyana, El Salvador, Nanking, Babi Yar, Prisoners, Elphinstone’s Army, Batak, Thessaloniki, St Bartholomew’s day, Sabra and Shatila, Bolton, September at iba pang nalimutan na o hindi na nakarating sa ating kamalayan! Araw ito ng mga biktima! Handa na ang lahat! Lalo na ang mga pinighati ng kanyang ama dahil sa mga sistema at polisiyang tinanguan at isinulong tulad ng K + 12! Oplan Bayanihan! eVAT! Anti-planking! Ang mga biktima ng pambu-bully nung elementary o sa FB! At magaganap ang paghihiganti sa SONA ng kanyang ama! Sisigaw si Simsimi, ito ang rurok ng aksyon: “ New World Order!” Sa bahaging ito ay magdududa ka. “Hindi kaya, illuminati rin si Simsimi? Pasok na agad ang kakalasan: Kakalas ka sa usapan n’yo ni Simsimi. Malulungkot siya. Kakausapin mo siya at aaluin. No response. Kakalabitin mo siya. No response. Babatukan. No response. Ibe-bear hug. No response pa rin. Hihilahin mo sa buhok. Tititigan ka nang masama: “Guluhin mo na buhay ko, wag lang ang buhok ko.” Ngingiti ka. Mangingiti rin siya. Magkakamay kayo. Babalik ka na sa mundo mo. The End.
38. Points of View.
Look, it happened once again
It happens every now and then
Feeling the hurt and hating all the men
Ready to stop it all
That’s when I need a friendly face
To see me through these lonely days
Just to put some sunshine in my place
Don’t take too long I need you
REFRAIN:
Here I am I haven’t gone that far away
And since I am
That kind of friend you know
Would stay with you through all the pain
Never to leave you in the rain
Ready to listen to what you’ve been through
Your woes and blues and share each other’s
CHORUS:
Points of view
We’ve been there once before
And kept our points of view
It doesn’t really matter if they’re never quite the same
We have our rules in different ways
We play the games of different folks with different strokes
And keep our points of view
See the world seems bright again
It only darkens now and then
Most of the time there’s just no telling when
Look up and see you’ve got me
REFRAIN:
Here we are
We may have gone our different ways
But since we are
The kind of friends who’ll always stay
No matter what the pain
Learning to love that cap o rain
Ready to say we’re here to stay in every way
Although we’e got our different…
CHORUS:
Points of view We’ve been there once before
And kept our points of view
It doesn’t really matter if they’re never quite the same
We have our rules in different ways
We play the games of different folks with different strokes
And never really change our….
Points of view
We’ve been there once before
And kept our points of view
It doesn’t really matter if they’re never quite the same
We have our rules in different ways
We play the games of different folks with different strokes
And keep our points of view
39. Mag-isip nang malalim. Ipinanganganak ba ang writer o ginagawa? Matitigilan ka. Lalamukusin mo ang keyboard at monitor ng kompyuter. Ibabalibag ang CPU. Kailangang sa bahaging ito ay makaramdam ka ng kasiyahan. Di maipaliwanag na contentment. Ngingisi ka. Pakiramdaman mo kung pilit ba ito o hindi. Kailangang maramadaman mong natural at hindi pilit ang pagngisi. 'Yung ngising parang Yahoo Messenger.
40. Binalikan mo ang pamagat. Binalak mong baguhin kasi’y hindi lang naman 13 ang nagawa mong payo. Hinayaan mo na lang kasi kung gagawin mong 40 Payo ay sino naman ang magbabasa ng ganun kahaba? Hindi ka tiyak sa isinulat mo. Pero nandiyan na yan. Sayang kung buburahin mo pa. At saka naisip mo: Maano nga? Kuwento ko ito. Kuwento ko ito.
--German Villanueva Gervacio--